DENGUE virus, kagutuman, kawalan ng trabaho, droga at mga krimen. Ilan lamang ito sa mga problemang kinakaharap ng ating bansa. At ang isa pang hindi masugpu-sugpo ng ating “Matuwid na Daan” na gobyerno ay ang pagpatay sa ating mga mamamahayag. Ginagawa silang “target practice” ng mga kriminal. At ang malungkot, mabibilang mo sa kuko ng iyong mga daliri ang nabibigyan ng hustisya.
Ganyan katindi ang gobyernong ito.
Sa kasalukuyan, pangalawa na ang Pilipinas sa pinakamapanganib na bansa sa buong mundo para sa mga mamamahayag. Ang ibig sabihin, kung mamamahayag ka o miyembro ka ng fourth estate ay dapat umorder ka na ng ataul sapagkat anumang oras, kapag ginusto ng mga kriminal ay isisilid ka nito ng may bulak sa ilong.
Walang ngimi ang mga kriminal at mga may kapangyarihan sa pagpapasabog ng bungo at ang malungkot pa, lumilitaw na walang kakayahan ang gobyernong ito para maputol ang ganitong karahasan.
Noong nangangampanya pa si Pangulong Aquino, at iba pang kandidato sa panguluhan, ipinagdidiinan niya sa kanyang mga talumpati at halos isumpa sa Langit na sosolusyunan niya ang mga ginagawang pagpatay sa mga mamamahayag at uusigin ang may kagagawan nito. Pero nasaan ang pangako? Magtatapos na ang kanyang termino ay wala pa ring hustisya sa Maguindanao Massacre kung saan 30 mamamahayag ang napatay. Ang pangako niyang iyon ay napako at ikinadena pa.
Sa panahon ng puro pasikat at puro pangako ng kasalukuyang administrasyon, 38 mamamahayag ang nailibing sa hukay.
Mantakin mo, Pilipinas na halos kasing-laki lamang ng langgam sa mapa ay pangalawa sa pinakamapanganib na bansa sa mga mamamahayag? Una ang Iraq, pangalawa ang “Pinas, pangatlo ang Syria, pang-apat ang Pakistan, at panglima ang Russia.
Kung sa pagpatay sa mga mamamahayag ay pangalawa sa mapanganib ang bansang ito, ang ipinagbabawal na gamot o droga ay hindi malayong maguna na rin tayo “pagdating ng panahon.”
Sa kurapsiyon ay malamang na nangunguna na tayo, sa krimen, sa smuggling ay hindi rin pahuhuli ang Pilipinas.
Talagang nangunguna tayo sa mga bagay na kasumpa-sumpa! (ROD SALANDANAN)