NAHAHARAP sa santambak na trabaho ang Commission on Elections (Comelec) dahil sa desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos dito na gamitin sa lahat ng voting machine ang feature na mag-imprenta ng voting receipts para sa lahat ng boboto sa Mayo 9, 2016.
Kailangan ngayon ng komisyon na magsagawa ng bidding para sa mga papel na gagamitin sa resibo. Dapat itong maghagilap ng pondo para rito. Kailangan din nitong sanayin ang libu-libong election inspector para sa proseso ng pag-iisyu ng resibo, na may karagdagang trabaho ng pagkakabit ng papel sa makina kapag naubusan na ito.
Ngunit ang pinakamalaking problema—na pangunahing dahilan ng Comelec kaya ayaw nitong gamitin ang voting receipt feature sa simula pa man—ay ang oras na makokonsumo nito sa nasabing proseso. Posibleng hindi sapat ang panahon para maipasok ng lahat ng botante sa mga presinto ang kanilang balota sa makina, bago hihintayin ang paglabas ng voting receipt—para sa karaniwan nang siyam na oras, o mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, sa araw ng halalan. Dahil dito, ikinokonsidera ng mga opisyal ng Comelec ang posibilidad na gawing dalawang araw ang eleksiyon.
Maghahain ng Comelec ng motion for reconsideration kaugnay ng desisyon ng Korte Suprema. Ngunit kahit pa maghain ito ng mosyon, mahalaga pa rin na maging handa ang komisyon sa malaking posibilidad na ang desisyon ng kataas-taasang hukuman—pinagkaisahan ng 14 na mahistradong dumalo sa en banc session nitong Martes—ay mananatili. Kumpiyansa naman tayo na makatutupad ang Comelec sa kanilang tungkulin, sa tulong ng iba pang ahensiya ng gobyerno.
Ituring natin ang desisyong ito na malaking tulong para mapatibay pa ang seguridad kaugnay ng automated na pagboto na kinuwestiyon sa ilang lugar sa bansa sa nakalipas na dalawang halalan. Paulit-ulit ang mga panawagan para sa pagbabalik ng manu-manong eleksiyon dahil ang ilan sa mga probisyong pang-seguridad na nakasaad sa batas ay hindi umano naipatupad.
Mistulang determinado naman ang Comelec na sa pagkakataong ito ay matiyak ang seguridad sa paghahalal. Ang lumang Precinct Count Optical Scanners (PCOS)—na nilibak dahil sa umano’y mga resultang “hocus-PCOS”—ay pinalitan ng mga bagong Vote Counting Machine (VCM). Naihanda na rin ang source codes at bukas para sa lokal na pagsusuri. Wala ring problema sa Comelec ang pagpapaskil ng resulta ng botohan sa kada voting precinct upang agad na mataya ang bilang nito at maikumpara sa kabuuan ng na-canvass ng municipal voting center. Layunin naman ng mga digital signature sa bawat voting machine na maalis ang banta na ang mga resultang matatanggap ng municipal voting center ay mula sa makinang hindi awtorisado.
Kumpiyansa tayong malulusutan ng Comelec ang problemang ito sa voting receipts. Naging maayos ang pagganap ng komisyon sa tungkulin sa nakalipas na mga buwan at ang desisyong ito ng Korte Suprema ay dapat na magsilbing karagdagang pagtiyak sa bansa na magiging malinis at tapat ang halalan sa Mayo 9.