mulga-snake-140422 copy

Isang kakaibang kaso ang natuklasan nang mawalan ng pang-amoy, mahigit isang taon na, ang isang lalaki sa Australia nang tuklawin siya ng ahas na may kamandag, ayon sa naiulat na kaso.

Nakakaamoy na muli ang lalaki, ngunit hindi lahat ng bagay ay kaya niyang matukoy sa pamamagitan ng pang-amoy, hindi katulad noong panahong bago siya natuklaw ng “mulga snake”, ayon sa mga doktor at iba pang eksperto na sumuri sa kondisyon ng lalaki makalipas ang isang taon simula nang makagat ito.

“As far as I know, he is still affected but somewhat improved,” ayon kay Kenneth D. Winkel, isang toxinologist sa University of Melbourne sa Australia, isa sa mga author ng ulat.

Human-Interest

Una at pinakabatang Pinoy na nakalibot sa buong mundo, may payo sa future travelers: 'Learn Skills!'

Ang 30 taong gulang na lalaki ay nagtungo sa neurology clinic sa St Vincent’s Hospital sa Melbourne, Australia, at sinabing nawalan siya ng pang-amoy sa loob ng mahigit isang taon. Unang napansin ng lalaki ang pagkawala ng kanyang pang-amoy isang linggo matapos siyang matuklaw ng ahas noong naglalakbay siya sa Australia.

Kinagat ng ahas ang kanyang dalawang daliri habang naghuhugas siya ng kamay sa banyo, salaysay ng lalaki sa mga doktor. Nang siya ay magsisigaw, tinulungan siya ng residente upang ikulong ang ahas sa lababo at patayin ito.

Prineserba ng lalaki ang ahas sa isang container na naglalaman ng alcohol.

Isinugod ang lalaki sa emergency department ng isang ospital. Napag-alaman ng mga doktor na gumamot sa kanya na siya ay pansamantalang nagkaroon ng blood clotting.

Nanatili ang pasyente sa ospital sa loob ng tatlong araw, at binigyan siya ng gamot ng mga doktor upang hindi magkaroon ng impeksiyon ang kanyang sugat.

Gayunman, hindi siya tinurukan ng anti-venom dahil kinonsidera ng mga doktor ang mga sintomas na nakita sa kanya na “mild enough to not warrant anti-venom administration,” base sa report na inilathala noong Pebrero 17 sa Journal of Clinical Neuroscience.

Inirerekomenda lamang ang anti-venom sa pasyenteng may matinding sintomas ng pagkalason dahil sa kamandag, ayon sa mga author.

Pagkaraan ng ilang araw paglabas sa ospital, napansin ng pasyente na unti-unti na siyang nawawalan ng pang-amoy, na tuluyan nang nawala pagkaraan ng isang linggo.

Makalipas ang isang taon, nagtungo ang lalaki sa neurology clinic ng ibang ospital, lumabas sa test na hindi nga gumagana ang kanyang pang-amoy — na tinawag ng mga doktor na “anosmia”.

Gayunman, hindi nakitaan ng abnormalidad ang examination sa kanyang ilong at nervous system, na nangangahulugan na ang kanyang anosmia ay walang kinalaman sa structural cause kung kaya’t ito ay dahil sa kagat ng ahas, ayon sa mga researcher. (LiveScience.com)