Matapos ang halos tatlong taong pagkakakulong sa Camp Crame sa Quezon City, pinayagan na rin ng korte si dating Philippine National Police (PNP) chief Director General Avelino Razon, Jr. na makapagpiyansa kaugnay ng kinahaharap niyang kaso sa umano’y ghost repair ng V-15- light armored vehicles, na nagkakahalaga ng P385 milyon.

Ikinulong sa PNP Custodial Center noong Agosto 2013, naglagak kahapon ng P520,000 piyansa si Razon sa Sandiganbayan Fourth Division na roon nahaharap ang retiradong opisyal sa kasong malversation through falsification of public documents.

Ibinase ng Fourth Division ang desisyon nito sa naging pagpabor ng Korte Suprema sa kaso ni dating Bacolod City Mayor Luzviminda Valdez na nagsabi na karapatan ng isang akusado sa isang complex crime na malversation na makapagpiyansa.

“All accused similarly situated as accused (retired Police Deputy Director General Geary) Barias in these cases are likewise allowed to secure their respective provisional liberties by each of these cases they are charged as an accused,”saad sa resolusyon ng korte.

15% na kontribusyon ng SSS, para daw sa lifetime security?

Unang pinayagan ng korte si Barias na makapagpiyansa ng P460,000 nitong Martes.

Naglagak naman si Razon ng tig- P200,000 sa two counts of malversation at tig-P30,000 sa four counts of graft.

Pinayagan din ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sina dating Police Director Eliseo de la Paz, Senior Supt. Emmanuel Ojeda, at Supt. Josefina Dumanew. (Jeffrey G. Damicog)