Sa huling bahagi ng Marso ibubunyag ni dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada kung sino ang kandidato sa pagkapangulo na kanyang susuportahan sa eleksiyon sa Mayo 9.

Ayon kay Estrada, nahihirapan siyang magdesisyon kung sino ang kanyang susuportahang presidentiable, dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng mahigit 100 milyong Pinoy.

“We have to study who among them (presidentiables) can serve most,” sinabi ni Estrada sa isang ambush interview sa Manila Hotel.

Sa kabila nito, sinabi ng alkalde na ikukonsidera niya sa pagpili ng susuportahang kandidato ang desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa diskuwalipikasyon ni Senator Grace Poe sa pagdedesisyon.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Of course (I will consider the SC decision). That’s better. The people are given to choose. The more candidates, the better for the people,” ani Estrada.

Ikukonsidera rin, aniya, ni Estrada ang kakayahan ng mga kandidato na mailigtas ang mga Pinoy o ang masa mula sa mga problemang kinakaharap ng mga ito sa ngayon.

Kasabay nito, tiniyak ni Estrada na hindi magiging batayan sa gagawin nilang pagpili ng ieendorsong presidentiable ang kanyang personal na relasyon dito.

Bagamat wala siyang shortlist ng mga kandidato, inamin ni Estrada na ang pinagpipilian lang niya para iendorso ay sina Poe, na kanyang inaanak; at Vice President Jejomar Binay, na kumpare niya. (Mary Ann Santiago)