KUWALIPIKADONG tumakbo si Sen. Grace Poe sa pagkapangulo. Sa botong 9-6, nagpasiya ang Korte Suprema na pagbigyan ang petisyon ng senadora na balewalain ang dalawang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na nagdi-disqualify sa kanya.
Ang mga mahistrado ay bumoto ayon sa kanilang interpretasyon ng Saligang Batas. Nakasaad sa Saligang Batas na ang tumatakbo sa pagkapangulo ay kinakailangang natural born citizen at nanirahan sa bansa ng sampung taon bago maghalalan. Eh, sa dalawang isyu ng citizenship at residency dinisqualify ng Comelec ang senadora.
Sa ilalim ng Saligang Batas, itinuturing na Filipino citizen ang isang tao kapag ang kanyang magulang ay Filipino.
Dahil sa foundling o pulot ang senadora at hindi alam kung sino ang kanyang tunay na mga magulang, hindi siya maituturing na natural born Filipino citizen. Kung foundling lang ang isyu, kaisa ako ng senadora sa pagnanais niyang maging pangulo ng bansa. Pero, mariin kong tinututulan ang kanyang kandidatura dahil tinalikuran niya ang kanyang pagka-Pilipino. Nagpa-naturalize American citizen siya. Nag-aral siya sa Amerika sa kanyang murang isip gayong puwede naman siyang pumasok sa anumang dekalidad na eskuwelahan sa bansa dahil na sa pangangalaga siya ng mga may kayang umampon sa kanya na sina Fernando Poe Jr. at Susan Roces.
Ngunit, tinalikuran na niya ang kanyang American citizenship at binalikan ang Filipino citizenship para makaupo siya bilang pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board ( MTRCB). Kaya, napakadali para sa senadora ang magpalit ng kanyang citizenship depende kung alin ang makabubuti sa kanya.
Hindi ganito ang uri ng pinuno ng bansa ang nais ng mga lumikha ng Saligang Batas. Ang 1935 at 1987 Saligang Batas ay parehong itinatakda na ang kakandidato sa pagkapangulo ay natural born citizen. Ang 1935 Constitution ay nabuo pagkatapos ng mahabang pagkikibaka ng ating mga ninuno laban sa mga dayuhang sumakop sa atin.
Ang 1987 Constitution ay nilikha pagkatapos buwagin ng sambayanang Pilipino ang diktadurang nais umalipin sa kanila.
Kaya, mabigat ang halaga ng bawat probisyon ng dalawang Saligang Batas at kasama na rito ang mga kuwalipikasyon ng mga maging pinuno ng bansa. Katumbas ng mga ito ay hindi mabibilang na buhay ng mga kababayan natin para sa katarungan at kalayaan ng bansa. Kasiguruhan na isang Pilipino sa isip, sa gawa, at sa dugo, ang dapat mamuno sa bansa. (RIC VALMONTE)