Kinasuhan sa Sandiganbayan ang isang alkalde sa Samar dahil sa pagsibak sa tatlong kawani ng munisipyo.
Kinasuhan ng Office of the Ombudsman si Hinabangan Mayor Alejandro Abarratigue ng tatlong bilang ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), at inirekomenda ang P30,000 piyansa sa bawat bilang ng graft para sa alkalde.
Lilitisin ng Sandiganbayan First Division, nag-ugat ang kaso sa reklamo ng mga dating kawani ng munisipyo na sina Jocelyn Ventura, Lydia Tono, at Miguel Aban, Jr.
Ayon sa tatlong complainant, bagamat pawang permanente ang kani-kanilang appointment, na-reassign sila sa sub-office ng pamahalaang bayan noong 2009 at hindi umano sila pinasuweldo.
Sa magkakaibang buwan noong 2010, tuluyan na silang sinibak sa serbisyo. (Jeffrey Damicog)