STO. TOMAS, Batangas - Nagawa pang makasakay ng jeep bago binawian ng buhay ang isang retiradong pulis matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Sto. Tomas, Batangas.

Dead on arrival sa St. Frances Cabrini Medical Center si Robert Nuevo, 50, taga-Barangay San Francisco sa naturang bayan.

Nadamay at tinamaan din ng bala ang driver ng jeep na si Dominec Maldeva, 41 anyos.

Ayon sa report ni PO3 Joel Basas, dakong 6:45 ng umaga noong Marso 8, sakay sa motorsiklo si Nuevo nang pagbabarilin siya pagsapit sa Barangay San Francisco.

Probinsya

Ibang pasabog yata? Granada, pasalubong ng senglot na mister kay misis

Nagawa pa ni Nuevo na makasakay sa jeep (DFJ-207) na minamaneho ni Malveda habang binabagtas ang lugar.

Patuloy na namamaril ang mga suspek habang hinahabol ang jeep hanggang sa tamaan ng bala sa likod si Maldeva, na inilipat sa Batangas Medical Center para sa karampatang lunas.

Sampung basyo ng bala ng .45 caliber pistol ang narekober ng pulisya habang inaalam pa ang motibo sa pamamaslang.

(Lyka Manalo)