NABAWI ng San Beda College ang general championship sa seniors division matapos ungusan ang dating back-to-back titlist College of St. Benilde habang inangkin naman ng juniors squad ang overall title sa ikatlong sunod na taon sa pagtatapos ng NCAA Season 91.
Nakalikom ang Red Lions ng kabuuang 632.5 puntos, limang puntos lamang ang kalamangan sa dating kampeong Blazers upang makamit ang kanilang ikaapat na seniors overall title sa nakalipas na anim na taon.
Naging malaking kontribusyon sa pagkapanalo ng San Beda ang pagkakampeon nila sa men’s and women’s siwmming, men’s taekwondo, women’s table tennis, lawn tennis at soft tennis gayundin ang kanilang mga runner-up finish sa basketball, women’s taekwondo, men’s table tennis, football at women’s beach volley.
“San Beda is proud of what our athletes have done,” pahayag ni San Beda’s NCAA Management Committee representative Jose Mari Lacson.
Nakakuha naman ng malaking puntos ang St. Benilde sa event na kinabibilangan ng women’s taekwondo, badminton, men’s table tennis at women’s volleyball bukod pa sa kanilang runner up finish sa men’s and women’s swimming, women’s table tennis at lawn tennis.
Dinuplika naman ng Arellano University ang kanilang third place finish noong isang taon matapos makatipon ng 497.3 puntos, pinakamalaki ay nakuha nila sa pagkakampeon sa football, chess at track and field.
Pumang-apat naman ang Lyceum of the Philippines (376), panglima ang Perpetual Help (365), pang-anim ang Letran (347.8), pampito ang Mapua (338.3),pang-walo ang Emilio Aguinaldo (332.5),pang-siyam ang San Sebastian (320.5) at ika-10 ang Jose Rizal University (163.8).
Nagsalansan naman ng kabuuang 405 puntos ang Red Cubs upang makopo ang ikatlong sunod nilang titulo at ika-12 pangkalahatan para pantayan ang dating winningest team CSB-La Salle Greenhills Junior Blazers na siyang pumangalawa ngayong taon sa natipong 355 puntos.
Pumangatlo sa kanila ang Lyceum na may 307.5 puntos. (Marivic Awitan)