MAKALIPAS ang ilang buwan na naging laman ng mga balita ang tungkol sa pagkalat ng Zika virus, karamihan ay sa South America, at makaraang makapagtala ng kaso sa mga bansang malapit sa atin, gaya ng China at Korea, may isa nang kaso ng Zika na nakumpirma sa ating bansa. Ipinaalam ng US Center for Disease Control (CDC) sa ating Department of Health (DoH) nitong Sabado na isang babaeng Amerikano na apat na linggong nanatili sa Pilipinas noong Enero ang nagkaroon ng lagnat, mga pantal sa bala, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, at conjunctivitis sa huling linggo niya sa ating bansa, at natuklasan ang ebidensiya ng impeksiyon ng Zika sa kanyang pagbabalik sa Amerika.
“There is no cause for panic,” sabi ni Secretary of Health Janette Garin, dahil iisa pa lamang ang kaso na may kaugnayan sa Pilipinas. Ngunit dahil ang Zika ay naikakalat ng lamok na aedes egypti, na marami rito sa Pilipinas at sa iba pang mga bansang may kaparehong mainit na klima, malaki ang posibilidad na maihawa ito sa iba sa mga lugar sa Luzon na binisita ng ating Amerikanang panauhin sa loob ng apat na linggong pananatili niya rito.
Halos 30 bansa ang nakapag-ulat na ng mga Zika infection at karamihan sa mga kaso ay naitala sa Brazil – nasa 1.5 milyon ang huling bilang. May 30 kaso rin na naiulat sa United States, ngunit ang lamok na nagkakalat ng Zika ay karaniwang matatagpuan sa South at Central America, partikular na sa Brazil, Venezuela, Colombia, Bolivia, Paraguay, at El Salvador.
Ang pinakamatinding pinangangambahan ng mga dinapuan ng Zika ay ang kaugnayan ng virus sa mcrocephaly. Hindi pa aktuwal na napatutunayan ang cause-and-effect link nito, ngunit sa kasalukuyan, may 4,000 kaso na ng microcephaly sa Brazil, na ang mga sanggol ay isinisilang na may maliliit na ulo at diperensiya sa utak, bukod pa sa hindi inaasahang magtatagal ang buhay ng mga ito. Sa buong Latin America sa kasalukuyan, nabubuhay sa matinding takot ang mga buntis sa pagkabahalang magkaroon ng microcephaly ang kanilang mga sanggol. Nagpahayag na rin ng pangamba ang ilan sa mga atletang makikibahagi sa Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil, sa Agosto. Nag-ulat na ang mga airline ng maraming kanselasyon ng biyahe sa mga apektadong rehiyon.
Naglunsad na ang Brazil ng giyera laban sa lamok na aedes aegpti, at 220,000 sundalo ang ipinakalat na sa buong bansa para mag-spray ng insecticide. Nananawagan ang gobyerno sa lahat na alisin ang mga posibleng pangitlugan ng mga lamok, gaya ng mga nakatiwangwang na lata at lumang gulong na may nakatenggang tubig.
Pinayuhan ni Secretary Garin ang publiko na panatilihin ang kalinisan sa kanilang mga bakuran, at partikular na iwasang magkaroon ng nakatenggang tubig. Kahit ang maliit na takip sa bote ay maaaring pangitlugan ng lamok, aniya.
Panahon na rin marahil upang simulan na nating mag-spray ng insecticide sa mga komunidad sa bansa, partikular na sa mga lugar na binisita ng Amerikanang biktima ng Zika noong nasa Luzon siya para sa apat na linggong pagbisita noong Enero.