ILOILO – Muling nagbabala ang 3rd Infantry Division (3ID) ng Philippine Army sa mga lokal na kandidato sa Panay at Negros Islands na huwag pagbibigyan ang paniningil ng New People’s Army (NPA) ng campaign fee.
Ito ang binigyang-diin ni Brig. Gen. Harold Cabreros, commander ng 3ID, matapos makatanggap ng mga ulat na nagpadala na ang NPA ng mga liham na naniningil ng permit-to-campaign (PTC) at permit-to-win (PTW) sa mga lokal na kandidato sa Iloilo.
Sa pakikipagpulong kamakailan kay Iloilo Gov. Arthur Defensor Sr., sinabi ni Cabreros na bineperipika pa ng 3ID ang katotohanan tungkol sa nasabing mga liham para sa PTC at PTW.
Hindi pa pinapangalanan ni Cabreros ang tatlong kandidato dahil ang mga liham ay kinakailangan pang suriin ng Joint Peace and Security Coordinating Center (JPSCC)-Region 6, na binubuo rin ng Commission on Elections (Comelec)-Region 6, at Police Regional Office (PRO)-6 ng Philippine National Police (PNP).
Sakaling dumulog sa pulisya ang mga kandidato, at naberipikang NPA nga ang nagpadala ng nasabing mga liham ng PTC o PTW, pagkakalooban ang mga kandidato ng mga security escort.
Kasabay nito, tinitiyak ng Army na magiging maayos at payapa ang eleksiyon sa mga lugar na pinamumugaran ng NPA.
Kabilang sa mga lugar na ito ang Capiz, Antique, katimugang Iloilo sa Panay, at Negros Islands.
Hindi pa tinutukoy ng awtoridad ang mga election hotspot sa rehiyon. (Tara Yap)