MAGING maingat upang maiwasan ang sunog sa mga bahay, mga opisina, at mga komunidad—ito ang apela sa bawat Pilipino ngayong Fire Prevention Month na nagsimula noong Marso 1, alinsunod sa Proclamation No. 115-A na ipinalabas noong Nobyembre 17, 1966.
Ngayong taon ay ika-50 Fire Prevention Month, na may temang “Kaalaman at Pagtutulungan ng Mamamayan, Kaligtasan sa Sunog ay Makakamtan.” Umapela ang Bureau of Fire Protection (BFP), na nangunguna sa mga programa, sa mamamayan, mga lokal na opisyal, mga eskuwelahan, mga kumpanya, at mga komunidad na maging alerto, mapagmatyag, at makiisa sa kampanya ng ahensiya upang maiwasan ang mga sunog.
Ang BFP ng Department of Interior and Local Government ay itinatag sa bisa ng Republic Act 6975 upang mapigilan ang mga mapaminsalang sunog sa mga gusali, bahay, kagubatan, sasakyan, nakadaong na barko at pasilidad ng industriya ng petrolyo; at ipatupad ang Fire Code of the Philippines. Ang Special Rescue Unit nito ay binubuo ng mga bombero na sumailalim sa espesyal na pagsasanay upang magsagawa ng mga rescue operation, at magkasa ng wastong pagtugon, hindi lamang sa mga sunog, kundi maging sa mga kalamidad at iba pang emergency. Ang programa nito ay nagkakaloob ng mas maraming fire truck sa mga lokal na pamahalaan.
Ang laban kontra sa mapaminsalang sunog ay hindi lamang responsibilidad ng mga bombero; ang mga opisyal at mamamayan ay hinihikayat na makibahagi sa mga programa upang maprotektahan ang mga buhay at mga ari-arian. Karamihan sa mga sunog ay nangyayari sa bahay, partikular na sa matataong lugar, at sa lugar ng trabaho, na kadalasang dahil sa maling pagkakabit ng kuryente, kawalan ng insulation, at octopus o sala-salabat na koneksiyon, na maiiwasan kung alam ng mga tao kung paano makaiiwas sa sunog.
Ang mga volunteer fire fighter, karamihan ay mula sa Chinese community, kasama ang Philippine Red Cross, ay aktibong umaayuda sa BFP. Nagsasagawa ng mga fire drill, nagtatatag ng mga fire brigade sa mga eskuwelahan at komunidad, at namumudmod ng flyers at posters tungkol sa mga paraan para makaiwas sa sunog sa mga lugar na delikado rito. Ang mga tahanan at opisina ay sinasabihang inspeksiyunin ang kani-kanilang koneksiyon ng kuryente, dahil ang electrical short circuit ay isa sa mga pangunahing sanhi ng sunog. “Prevention is better than cure” ang kasabihang makatutulong upang makaiwas sa sunog at pagkawala ng mga buhay at ari-arian.
Ang Marso, simula ng tag-init, ay may mataas na tala ng sunog, ang ilan ay nauuwi pa sa trahedya. Mahigit 8,000 sunog ang naitala sa bansa noong nakaraang taon. Ang mga sumusunod na paraan ay inirerekomenda: Ilagay ang numero ng telepono ng pinakamalapit na istasyon ng bombero sa telepono; bawasan o tuluyang alisin ang combustible materials sa pamamagitan ng paglilinis; itago ang posporo sa lugar na hindi maaabot ng mga bata; iwasang ilapit sa kurtina ang gasera at kandila; huwag mag-imbak ng mga kemikal na madaling magliyab, gaya ng gasolina, alcohol, at pintura, sa loob ng bahay; regular na inspeksiyunin ang mga electrical installation; iwasang mag-overload sa outlet ng kuryente; huwag papalitan ng alambre o barya ang mga nasirang fuse; huwag magpapabaya sa sinindihang sigarilyo; at laging ihanda ang first aid kit.