Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na makaaapekto sa ginagawa nilang paghahanda para sa eleksiyon sa Mayo 9 ang desisyon ng Korte Suprema na mag-imprenta sila ng voter’s receipt.

Kabilang sa mga concern ng poll body ang pangangailangang isailaim sa re-training ang mahigit 277,000 public school teacher na magsisilbing miyembro ng Boards of Election Inspectors (BEIs) sa eleksiyon.

Kakailanganin ding amyendahan ang General Instructions para sa BEIs dahil wala rito ang mga probisyon sa pag-iimprenta, paggamit, at final disposition sa voting receipt.

Magsasagawa rin ng panibagong bidding ang Comelec para sa karagdagang stock ng thermal paper, at para sa mahigit 92,500 voter receipt receptacle, na roon ihuhulog ng botante ang resibo nito bago lumabas sa polling precinct.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“Maybe the biggest problem right now is the overseas voting because they will start voting on April 9, and majority of that are automated,” sabi ni Comelec Commissioner Christian Robert Lim, na pinuno ng Steering Committee para sa halalan.

Naibiyahe na kasi, aniya, ang mga vote counting machine (VCM) na gagamitin sa OAV, kabilang ang storage device cards, na kailangan ngayong i-reconfigure.

“Now they have to come back because that SD cards were not configured for the vote receipts,” ani Lim.

Iniutos ng Korte Suprema nitong Martes ang paggamit sa Voters Verified Paper Audit Trail (VVPAT) o pag-iimprenta ng voting receipt na isa sa mahahalagang feature ng mga VCM.

Sa botong 14-0, kinatigan ng Korte Suprema nitong Martes ang petisyong inihain ng Bagumbayan VNP Movement na kumukuwestiyon sa desisyon ng Comelec en banc na huwag gamitin ang kapasidad ng VCM na mag-imprenta ng resibo.

Nakasaad sa binasang dispositive portion sa kaso na ito ay para matiyak ang malinis, tapat, at maayos na eleksiyon.

Binibigyan naman ng kapangyarihan ang Comelec na magpalabas ng panuntunan sa disposal ng inisyung resibo.

(Leslie Ann Aquino at Beth Camia)