SA kabila ng panawagan ni Pope Francis na hindi nararapat ang parusang kamatayan, hindi nagbabago ang ating paninindigan hinggil sa muling pagpapatupad ng death penalty. Lagi nating binibigyang-diin na ang naturang parusa ang epektibong hadlang sa walang pakundangang pamamaslang at iba pang karumal-dumal na krimen at sa paggawa at pagbebenta ng mga ilegal na droga.
Ang panawagan ng ating Santo Papa ay ipinahayag niya kaugnay ng Holy Year of Mercy; kaakibat nito ang pagkakaroon ng moratorium o pansamantalang pagtigil ng pagbitay habang pagdedebatehan pa ang muling pagpapatupad ng death penalty sa Pilipinas. Ang mabigat na hatol ay mahigpit na tinututulan ng mga bansang Katoliko. Ang kanilang pagtutol ay nakaangkla sa paniniwala na ang Panginoon lamang ang may karapatang bumawi sa buhay ng Kanyang mga nilikha.
Hindi tayo dapat manibago sa parusang kamatayan. Isang malaking kabalintunaan na tatlong paring Pilipino, sina Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora (GomBurZa), ang binitay noong 1872 sa pamamagitan ng garote. Maging ang ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose P. Rizal ay hinatulan din ng kamatayan.
Ang ating paninindigan sa muling pagpapatupad ng death penalty ay dahil sa nakakikilabot na patayan, panggagahasa, paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga, at ang kaliwa’t kanang nakawan. Ang mga taong nahatulang may kinalaman sa kahindik-hindik na Maguindanao massacre, halimbawa, na ikinamatay ng 56 na katao – kabilang ang ating 30 kapatid sa media – ay dapat lang parusahan ng bitay. Parusang bitay din ang nararapat sa mga salarin sa Mamasapano massacre na naging dahilan naman ng pagkamatay ng Special Action Force (SAF 44). Hindi ba’t marapat ding gawaran ng mabigat na parusa ang mga nagtataksil sa bayan at umangkin ng salapi ng sambayanan?
Lalong dapat bitayin ang mga taong nasa likod ng paggawa at pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot. Mistulang buhay din ang kanilang inuutang sapagkat ang mga nalululong sa masamang bisyo ay walang habas na pumapatay at nakahanda namang mamatay.
Sa mga nabanggit na krimen, maliwanag na buhay ang inutang; samakatuwid, buhay din ang dapat na maging kabayaran.
(CELO LAGMAY)