LINGAYEN, Pangasinan – Isang moderno at world-class Velodrome ang itatayo sa lalawigan ng Pangasinan sa layuning mas lalong palakasin at palaganapin ang cycling na isa sa paborito ng Pangasinense.

Magkatuwang na ipinahayag nina Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia at Pangasinan Governor Amado Espino Jr. ang planong itayo sa itinuturing na “hotbed” ng cycling sa bansa ang ultra-modern velodrome.

“Kilalang-kilala ang Pangasinan sa mahuhusay na mga siklista kung kaya walang ibang magandang paraan para mas lalo natin bigyan ng importansiya ang mga talentong ito kundi ang magtayo ng isang velodrome kung saan mas lalo pa nilang mapaghuhusay ang kanilang abilidad para maging kampeon,” pahayag ni Espino Jr.

Ipinaalam ni Garcia na ang nag-iisang Velodrome sa Quezon City ay hindi na naayon sa world standard kung kaya’t napapanahon nang magtayo ng bagong venue para sa naturang sports.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

“Pinakamatanda na yata ang QC velodrome sa lahat ng venue sa rehiyon natin kaya nararapat lamang na magtayo ng isa pang pasilidad na kung saan talagang magagamit ng mga siklista dahil dito na yata sa Pangasinan marami ang champion sa cycling,” sabi ni Garcia.

Balak ni Espino katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at PSC, na itayo ang velodrome sa Lingayen na itinuturin na pusod mismo ng Pangasinan upang maengganyo na pumunta ang lahat ng mga siklista hindi lamang sa mga karatig nitong probinsiya kundi pati na sa buong Pilipinas.

“Maybe, puwede tayong mag-hold ng international races na iimbitahan natin ang mga foreign riders para dumayo at bigyang challenge ang ating mga local rider,” sabi pa ni Espino.

Ilan sa mga tinanghal na kampeon sa cycling mula sa Pangasinan ay sina Cornelio Padiila at Jess Garcia na kapwa naging two-time champion, at si Santy Barnachea na tatlong beses naman nagkampeon sa iba’t ibang Tour sa bansa.

(ANGIE OREDO)