KASABAY ng pinakahihintay na implementasyon ng graphic health warning (GHW) Law, kapansin-pansin na ang ilang grupo ng smoker ay hindi natitigatig sa paghithit ng nakamamatay na usok na hatid nito. Ipinagkibit-balikat lang ang mahigpit na pagpapatupad nito na naglalayong ilayo sa sakit at kamatayan ang mga taong naninigarilyo at nasa paligid nito.
Sa ilalim ng GHW Law, ipinag-uutos ng Department of Health (DoH) sa mga tobacco manufacturer na ilimbag sa kaha ng mga sigarilyo ang larawan ng mga pasyente, katulad ng mga may cancer, emphysema, at iba pang smoke-induced disease.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta ng cigarette packs na walang GHW templates.
Walang alinlangan na makatuturan ang intensiyon ng nabanggit na batas, lalo na nga kung isasaalang-alang ang kaligtasan sa malubhang sakit ng mga nalululong sa paninigarilyo. Higit pa nilang inuuna ang paghithit ng usok kesa sa pagbili ng pagkain at iba pang pangangailangan ng kanilang pamilya. Hindi ba’t nagiging dahilan din ng sunog ang upos ng sigarilyo na ikinamamatay ng marami at pumipinsala sa milyun-milyong pisong ari-arian?
Maaaring makasarili ang aking pananaw hinggil sa pagtimbang ng merito ng naturang batas. Subalit hindi ko makita ang lohika nito lalo na kung isasaalang-alang naman ang sariling paninindigan ng mga chain smoker sa kinasusuungan nilang bisyo. Ibig sabihin, sila ang hari ng kanilang sarili, ika nga, sa pagpapasiya ng mga bagay na nais nilang gawin; hindi nila alintana ang anumang panganib sa kanilang kalusugan kahit na ang pagkasugapa sa paninigarilyo, marahil, ay mistulang pagpapatiwakal.
Ganito rin ang pananaw ng ilan nating kapatid sa media na matagal nang nakayakap sa naturang bisyo. Ang GHW ay itinuturing lamang nilang nakalilibang na mga larawan na pinagmamasdan nila habang humihithit ng nakalalasong usok.
Ganito rin ang sitwasyon kaugnay naman ng mahigpit na pagbabawal ng DoH sa pagpapaputok ng rebentador tuwing Bagong Taon. Inilalathala sa mga peryodiko at pinalalabas sa mga telebisyon ang pisak na mata, lasug-lasog na laman at putol na mga daliri dahil sa paputok. Subalit naghahari pa rin ang katigasan ng ulo ng sambayanan.
Ang pagsugpo sa pagkasugapa sa paninigarilyo at iba pang bisyo ay marapat na ipaubaya na lamang sa sariling desisyon ng mga kinauukulan. (CELO LAGMAY)