BINANGGIT ng pangunahing opisyal ng United Nations laban sa climate change na panahon na para isang babae naman ang maging bagong pinuno ng U.N.

Gayunman, nilinaw ni Christiana Figueres, executive secretary ng United Nations Framework Convention on Climate Change, na hindi siya interesado sa posisyon.

Sinabi ni Figueres na isang babaeng kandidato ang dapat na humalili kay Secretary-General Ban Ki-moon kapag nagwakas na ang ikalawang termino ng huli ngayong taon.

Subalit nang tanungin kung posible bang siya ang maging susunod na pinuno ng United Nations, sinabi ng 59-anyos na Costa Rican diplomat ito ay “not within my plans”.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil sa mahalagang ginampanan ni Figueres sa naging resulta ng pinakahihintay na Paris Agreement laban sa climate change noong nakaraang taon ay umangat ang kanyang international profile.

Apat na lalaki at tatlong babae ang tumanggap ng nominasyon para sa posisyon. Bagamat walang aktuwal na panuntunang ipinaiiral ang United Nations nomination system, naniniwala ang maraming diplomat na panahon na para ipaubaya sa Eastern Europe ang pamumuno sa United Nations, sa ilalim ng isang informal rotation system. Anim sa mga kandidato ay mula sa Eastern Europe.

Sinabi ni Figueres na hindi pa niya napagdedesisyunan kung ano ang kanyang gagawin kapag bumaba na siya sa puwesto sa Hulyo, makaraan ang anim na taong panunungkulan.

Itinala ng Council on Foreign Relations, isang think tank na nakabase sa Amerika, si Figueres bilang isa sa “women to watch” para maging susunod na secretary-general, samantala tinawag naman siya ng Vogue magazine na “one of the most promising” na potensiyal na kandidato para sa posisyon.

Inilarawan naman ni Jean Krasno, propesor sa City College of New York na nangangasiwa sa kampanya para sa paghahalal ng babae bilang susunod na pinuno ng United Nations, si Figueres bilang “exactly the kind of secretary-general that we need, (someone) who can broker global agreements.”

Pinamunuan ni Figueres ang pagtatakda ng United Nations climate change policy noong 2010 ngunit hindi ito kasunod ng nabigong pulong sa Copenhagen, Denmark, na hindi nakapagpasa ng kasunduan upang mabawasan o matuldukan na ang paglalabas ng greenhouse gases.

Hangad na matiyak na magkakaroon ng pandaigdigang kasunduan sa susunod na climate change summit, hinimok ni Figueres ang mga pinuno ng mga gobyerno at negosyo at kinumbinse ang lahat na tanging ang diplomasya ang makapipigil sa polusyong pinalulubha ng climate change. (Associated Press)