Isang liham mula sa National Bureau of Investigation (NBI) ang isinumite sa Department of Justice (DoJ) na nagpapatunay na naging katuwang ng una si Lt. Col. Ferdinand Marcelino sa mga operasyon ng bureau laban sa ilegal na droga.

Ang liham ay naungkat sa pagdinig noon pang nakaraang linggo pero nitong Lunes lamang naisumite ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Nabatid na ang liham ay naka-address kay Prosecutor General Claro Arellano at ito ay may petsang Enero 26, 2016, limang araw matapos maaresto si Marcelino sa isang drug-bust operation sa Maynila.

Nakasaad sa liham na si Marcelino ay nananatiling bahagi ng operasyon ng NBI laban sa ilegal na droga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Malaki umano ang naitulong ni Marcelino sa mga impormasyon kaugnay ng mga operasyon laban sa paggawa, pagbebenta at distribusyon ng ilegal na droga sa bansa.

Sa pagdinig nitong Lunes, hinamon ni Marcelino ang Philippine National Police-Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) at PDEA na sumailalim sa polygraph test o lie detector test dahil hindi sa umano magkatugmang mga detalye ng kampo ng mga arresting officer at ng kanyang kampo tungkol sa pag-aresto sa kanya.

Kinontra naman ng PNP-AIDG at ng PDEA ang mosyon ni Marcelino na sinang-ayunan naman ni Senior Deputy State Prosecutor Theodore Villanueva, dahil hindi naman maituturing na conclusive evidence ang resulta ng polygraph test.

Pinalugitan naman ng piskalya si Marcelino hanggang ngayong Miyerkules, Marso 9, para magsumite ng kanyang rejoinder affidavit. (BETH CAMIA)