Hindi naiwasang mairita ng libu-libong pasahero, lalo na ang kababaihan na nagsamantala sa “libreng sakay” para sa International Women’s Day kahapon, sa bagong aberyang naranasan sa operasyon ng Light Rail Transit (LRT) Line 2, kahapon ng umaga.
Ayon kay LRT Authority Spokesman Hernando Cabrera, dakong 10:00 ng umaga nang magkaroon ng problema sa kable ng kuryente ng naturang mass transport system sa pagitan ng J. Ruiz at Gilmore stations.
Agad nagpatupad ang pamunuan ng provisionary service o limitadong biyahe ng tren mula sa Santolan hanggang sa Cubao station at pabalik.
Nagpadala na ang pamunuan ng LRTA ng mga technician upang kumpunihin ang nasira na nagsimula sa catenary system ng LRT Line 2.
Ipinatupad kahapon ang libreng sakay ng LRT at Metro Rail Transit (MRT) simula 7:00 ng umaga hanggang 9:00 ng umaga, at 5:00 ng hapon hanggang 7:00 ng gabi sa lahat ng istasyon. (Bella Gamotea)