LIZA AT ENRIQUE copy

MABUTI naman at hindi nadala ang ABS-CBN, itutuloy pa rin pala nila ang kanilang advocacy na maipakita at mai-promote sa kanilang mga primetime teleserye ang magagandang tourist spots sa bansa natin.

Napakalaking bagay sa Philippine economy at lalo na sa mga kababayan natin sa rural areas ang ganitong adhikain ng Dos.

Sa kuwentada ng experts, isang trabaho ang katumbas ng bawat turistang namamasyal sa mga kanayunan. Ngayong lumalakas ang economic activities sa urban centers, may disposable income para sa pagliliwaliw ang mga Pilipino. Sa halip na mangibang-bansa, mas maeengganyo ang marami na mamasyal sa local tourist destinations. Bukod pa siyempre ang TFC subscribers.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Nasimulan ito ng ABS-CBN sa Forevermore, nang sumikat nang husto ang fictional na Sitio La Presa, 10 kilometro ang distansiya galing downtown Baguio.

Pero dahil dinumog ng napakarami nating mga kababayan ang lugar -- Sitio Pungayan sa Mt. Kabuyao, sa Santo Tomas Rd, Tuba, Benguet para sa mga nagbabaka-sakali pa ring pumunta kahit bawal na, he-he… -- dumami nang dumami ang mga nagtitinda sa site hanggang sa ideklara ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nasisira na ang Mt. Kabuyao na forest reservation pala ang kalakhang bahagi.

Tumambak kasi ang mga basura at nagmistula nang slum ang magkakatabing kubol ng mga tindahan sa tabi ng kalsada.

Nagkaroon ng kaso ang local government unit (LGU) at ang DENR at siyempre, damay sa usapin ang ABS-CBN.

Classic na “tipping point” situation sa tulong ng libreng publisidad ng giant network, pero hindi masyadong nakahanda ang LGU. Last December, in-enforce ang permanent environment protection order ng Court of Appeals na noong nakaraang Mayo pa inilabas.

May objections ang mga residente at officials ng Tuba lalo pa’t may mga class na restaurant na ring itinayo roon, pero kahit araw ng Pasko ay hinarang at itinaboy pa rin ng mga pulis at DENR personnel ang mga turistang aakyat sana sa La Presa.

Naalala namin ang kinahinatnan ng Sitio La Presa dahil napanood namin last Monday sa Dolce Amore, panibagong hit teleserye nina Liza Soberano at Enrique Gil (parehong production team ng Forevermore ang nasa likod) na nagtungo ang characters nila sa Bohol.

Sa istorya, gusto kasing hanapin ni Serena (Liza) ang kanyang yaya (Frenchie Dee) na alam niyang taga-Bohol at itinuring na niyang nanay noong maliit pa siya sa Italya.

E, siyempre, kasama si Simon Vicente o Tenten (Enrique) sa paghahanap. Sa direksiyon nina Mae Cruz-Alviar at Cathy Garcia-Molina, ano pa nga ba ang dapat asahan sa mga eksena sa Bohol kundi sangkaterbang ga-Chocolate Hills na kilig!

Tiningnan namin ang average ratings ng Dolce Amore, pumapalo na pala agad ito sa 34% (16% naman ang katapat) kahit ‘di pa sila nag-iisang buwan sa ere. Sa tantiya namin, lalo pang tataas at pag-uusapan ang serye. Kaya asahan nang dudumugin din ng LizQuen fans ang anumang tourist destination na pupuntahan nila.

May spy kami sa Dos na nagbulong sa amin na mapapadalas din ang location ng Dolce Amore sa Tagaytay.

So, Bohol at Tagaytay LGUs, sabi nga ni Korina Sanchez-Roxas, handa na ba kayo? (DINDO M. BALARES)