NAIS kong ulitin kahit akusahan ako na makulit na mahigit isang taon na sapul nang magpa-renew ako ng aking lumang sasakyan. Nagbayad ako para sa bagong plate number, stickers, computer fees, etc., pero hanggang ngayon ay wala pa rin ang aking plaka. Nada.

Sumpa ni Barrabas, ‘ika nga noon ni Ben David! Bakit naisipan ng Department of Transportation and Communications (DoTC), Land Transportation Office (LTO) at ng Aquino administration na palitan ang mga lumang plaka eh, hindi naman pala kayang tumupad? Nakatengga lang umano sa Bureau of Customs (BoC) ang 600,000 vehicle plates dahil hindi mabayaran ng consignee, ang Knieriem BV Goes Power Plates Development Concept Inc. (IKG-PPI), isang Dutch-Filipino consortium, ang buwis na P40 milyon. Tama, isubasta na lang para mailabas na ang mga plaka.

***

Nailibing na ang mga labi ni ex-Pres. Elpidio Quirino, unang Ilocano President na naluklok sa Malacañang. Siya ay naging vice president noon ni ex-Pres. Manuel Acuna Roxas, founder ng LP, lolo ni Mar Roxas. Sinaksihan ang paglilibing kay Apo Pidyong sa Libingan ng Mga Bayani nina PNoy, ex-Pres. Ramos, at mga kaanak.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dalawa nang presidente ang nakahimlay ngayon doon bukod kay Apo Pidyong-- sina ex-Presidents Carlos P. Garcia at Diosdado Macapagal. Sino kaya ang susunod? Katabi ng libingan ni Quirino ang nakahandang libingan ni Fidel V. Ramos, pero sinabi niyang ayaw muna niyang makatabi ito dahil mahaba pa ang kanyang buhay.

***

Naging viral sa social media si “Carrot Man” Siya ay si Jeyrick Sigmaton ng Sagada, Mt. Province, isang magsasakang Igorot. Marami akong kakilala at kaibigang Igorot at ilan sa mga ito ay sina Alex Alan, Ferdi Bolislis, Lakay Gonzalo, Romy Tangbawan. Magagaling sila at very fluent sa English. Eh, sino naman si “Cabbage Man”?

***

Noong Sabado, naging banner story sa halos lahat ng pahayagan na nag-tabla sina Sen. Grace Poe at Vice Pres. Jojo Binay sa pagkapangulo batay sa survey ng Pulse Asia Research Inc. Si Pulot ay nagtamo ng 26% samantalang si Nognog, este Binay, ay 25% naman.

Tabla rin sa survey sina ex-DILG Sec. Mar Roxas at Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may tig-21%, Si Sen. Miriam Defensor-Santiago ay kulelat sa 3%. Sa hanay naman ng pagka-bise presidente, dinidikitan ni Sen. Bongbong Marcos (26%) si Sen. Chiz Escudero (29%). Si Leni Robredo ay nagtamo ng 19%, samantalang si Sen. Alan Peter Cayetano ay may 12%, Sen. Antonio Trillanes (6%), at Sen. Gringo Honasan ay 4%. Talaga, painit na nang painit ang pulitika sa Pilipinas habang papalapit na ang tag-araw! (Bert de Guzman)