Natuyo na ang lahat ng irigasyon sa South Cotabato dahil sa El Niño phenomenon, na nagsimula tatlong buwan na ang nakalilipas.
Ito ang kinumpirma ni Engr. Orlando Tibang, principal engineer ng Marbel-Banga Rivers Irrigation sa lalawigan.
Ayon sa report ni Tibang sa National Irrigation Administration (NIA), pinoproblema ngayon ng mga magsasaka kung paano patutubigan ang huling batch ng pananim, na kung tuluyang hindi maisasalba ay hindi na mapakikinabangan.
Napag-alaman na sa mga unang ani na palay ng mga magsasaka sa bulubundukin sa South Cotabato ay halos 50 porsiyento lang ang bigas.
Sa kasalukuyan ay hindi na kayang matubigan ang mahigit 300 ektarya ng pananim na palay sa iba’t ibang munisipalidad sa lalawigan.
Kaugnay nito, may ipinaiiral na mga programa ang NIA para maayudahan ang mga apektadong magsasaka, gaya ng pagbibigay ng diskuwento sa mga bayarin ng mga ito.
Dumadami na rin ang kaso ng mga alagang hayop na nagkakasakit dahil sa sobrang init ng panahon.
Napag-alaman na nasa mahigit P100 milyon na ang pinsalang naitala ng Department of Agriculture (DA) dahil sa tagtuyot sa lalawigan. (Jun Fabon)