Guilty!
Ito ang naging hatol ng Sandiganbayan sa isang dating gobernador ng Davao Del Sur at limang iba pa dahil sa kasong graft na nag-ugat sa umano’y maanomalyang pagbili ng limang sasakyan, na nagkakahalaga ng P6 milyon, noong 2003.
Bukod sa dating gobernador na si Benjamin Bautista, hinatulan din ng 32 taong pagkakakulong sina Richard Martel, provincial accountant; Allan Putong, general services officer; Abel Guiñares, treasurer; Victoria Mier, budget officer; at Sangguniang Panglalawigan Board Member Edgar Gan, pawang miyembro ng Bids and Awards Committee (BAC) sa nasabing panahon.
Bukod sa pagkakapiit, pinagbawalan na rin ang anim na dating opisyal ng kapitolyo na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Paliwanag ng anti-graft court, hindi dumaan sa public bidding ang pagbili sa mga sasakyan.
Sinabi naman ng kampo ni Bautista na magsusumite sila ng motion for reconsideration sa hukuman kaugnay ng hatol.
(ROMMEL P. TABBAD)