NAGSIMULA na ang produksiyon ng isang 160-ektaryang farm sa Batangas, hindi ng karaniwang pananim, kundi ng kuryente para sa may 200,000 solar panel na nakahilera sa malawak at dating nakatiwangwang na lupain sa Calatagan, Batangas.
Lilikha ang Solar Philippines ng 63 megawatts ng kuryente sa solar farm na ito. May mga plano rin para maglunsad ng mga kaparehong operasyon sa Mindanao at sa iba pang bahagi ng Luzon, para sa kabuuang production capacity na 150 megawatts sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon.
Ito rin ang kaparehong kumpanya na nagpasimula ng pagkakabit ng mga solar panel sa bubungan ng mga shopping mall sa Metro Manila, gaya ng SM North EDSA sa Quezon City, na lumilikha ng kuryente para sa lokal na konsumo. Humakbang na sa mas mataas na antas ang produksiyon ng solar energy sa bansa. “We believe it will one day supply the largest share of the country’s energy mix,” saad ng mga opisyal ng kumpanya.
Isa pang higanteng solar farm ang binuksan sa 176-ektaryang lupain sa Cadiz City, Negros Occidental, ng Helios Energy Corp. Magsu-supply ito ng 132 megawatts sa Visayas Grid. Plano ng kumpanya na magtayo rin ng mga plantang tulad nito sa Leyte, Ilocos, at sa iba pang bahagi ng bansa.
Ang mga solar farm ang huling malaking pagsulong sa sumisiglang renewable energy resources sa bansa. Nauna sa mga solar project na ito ang tatlong wind power center na pinagagana simula noong 2013 sa Ilocos Norte—ang 33-megawatt na Bangui Wind Farm, ang 150-megawatt na Burgos Wind Farm, at ang 81-megawatt na Caparispisan Wind Energy Project sa Pagudpud.
Ilang taon na rin ang nakalipas simula nang magbukas ang mga geothermal plant sa Albay, Leyte, Negros, at Mindanao.
Noong 2010, pumapangalawa lamang ang Pilipinas sa United States sa produksiyon ng geothermal power sa nalilikhang 1,909 megawatts mula sa mga plantang ito. Noong nakaraang linggo, inihayag ng mga opisyal ng Renewable Energy Management Bureau ng Department of Energy na nakatuklas sila ng mga lugar na may potensiyal para sa mga low-enthalpy geothermal project sa Camiguin Island, na may pitong bulkan.
Ang wind, solar, biomass, hydro, geothermal, ocean energy—sagana rito ang ating bansa, at dahil sa insentibong ipinagkakaloob ng Renewable Energy Act na pinagtibay ng Kongreso noong 2008, nagpapatupad tayo ng mga determinadong hakbangin upang malinang ang mga pagkukunang ito ng kuryente. Karamihan sa pangangailangan ng bansa sa enerhiya ay nakasalalay pa rin sa fossil fuels na nagpapadumi sa kapaligiran at nakapagpapalala sa global warming—coal, 33 porsiyento; oil, 18 porsiyento; at natural gas, 17 porsiyento. Ang hydro power naman mula sa ating mga dam ay bumubuo ng 19 porsiyento rito; geothermal power, 9%; at ang natitira ay binubuo naman ng mga bagong wind at solar project.
Kumikilos tayo upang madagdagan ang renewable energy na ating nalilikha, bilang sarili nating kontribusyon sa pandaigdigang pagsisikap laban sa climate change, isang pangakong binitiwan natin sa Climate Change Conference sa Paris, France kamakailan. Ang pagsisimula ng operasyon ng higanteng mga solar farm sa Batangas at Negros Occidental ay maliliit na hakbanging naglalapit sa ating minimithi.