Walang plano ang kampo ng Pambansang Kamao na si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na iurong ang boxing match nito laban kay Timothy Bradley sa Abril 9, sa Las Vegas, Nevada.
Sa limang-pahinang tugon na isinumite kahapon ng kampo ni Pacquiao sa Commission on Elections (Comelec), sa pamamagitan ng kanyang mga abogadong sina Atty. Antonio Carlos Bautista at Atty. Romulo Macalintal, sinabi ni Pacquiao na naniniwala siyang hindi isang uri ng pangangampanya o hindi “political in nature” ang kanyang laban kay Bradley at hindi rin ito itinaon sa panahon ng pangangampanya ng kongresista.
Wala rin anilang legal basis ang kahilingan na ipatigil ang laban, at hindi dapat na paboran ng Comelec ang nasabing petisyon.
“Ang laban po ni Congressman Pacquiao ay hindi po partisan political activity. Ito po ay isa lamang international boxing event na ginagawa na niya lampas isang dekada na,” paliwanag pa ni Bautista. “Ang laban ni Manny before siya mag-congressman, pinapanood na natin ‘yan. Sabi nga nila, less traffic, zero crime rate kapag mga panahong ‘yan. Ito po ay isang news event, a big international boxing event. It is a matter of national interest, sabi nga ng Comelec noon.”
Hindi rin naman anila maaring magbigay ng “advisory opinion” ang Comelec dahil magiging impartial ito.
Wala rin namang nakikitang problema ang kampo ng boksingero kung ibabawas o i-charge sa kanyang allowable air time ang pag-eere ng mga telebisyon at radyo sa laban, dahil posibleng makakonsumo lamang ito ng 36 na minuto sa kabuuang 120 minuto ng kanyang allowable air time sa telebisyon at 180-minuto sa radyo.
Aminado rin ang mga abogado ni Pacquiao na mahihirapan silang iurong ang laban dahil tiyak na makakasuhan ang mambabatas, dahil isa itong paglabag sa kontrata. (Mary Ann Santiago)