Aabot sa tatlong kilo ng shabu, na nagkakahalaga ng P15 milyon, ang nadiskubre sa loob ng isang backpack na naiwan sa isang fast food chain sa Alabang, Muntinlupa City, nitong Linggo ng hapon.
Hiniling na ni Muntinlupa City Police Officer-in-charge Supt. Nicolas Salvador sa pamunuan ng establisimiyento na bigyan ang awtoridad ng kopya ng CCTV footage upang matukoy ang nag-iwan ng naturang bag.
Sa inisyal na ulat, napansin ng guwardiya ng fast food chain, na hindi binanggit ang pangalan upang mapangalagaan ang kanyang seguridad, ang backpack na pinaniniwalaang sadyang iniwan sa bakanteng mesa sa lugar.
Nagdesisyon ang guwardiya na suriin ang laman ng bag subalit tumambad ang bulto ng droga kaya agad nitong ipinaalam sa awtoridad.
Dinala ang droga sa Southern Police District Crime Laboratory upang suriin.
Samantala, personal namang tiningnan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mel Sarmiento ang operasyon ng Muntinlupa City Police at pinuri ang guwardiya na nakadiskubre sa naturang droga. (Bella Gamotea)