ISA si Kiray Celis sa mga nagdadalamhati sa pagpanaw ni Direk Wenn Deramas, ang unang naging direktor niya noong apat na taong gulang pa lamang siya nang mag-guest siya sa Wansapanataym.
Huli naman silang nagkatrabaho sa Wang Fam kasama sina Benjie Paras, Candy Pangilinan, Andrei Paras, Yassi Pressman, Wendell Ramos, Alonzo Muhlach at Pokwang na ipinalabas noong Nobyembre 2015.
“Dapat po sana may storycon kami nu’ng araw na namatay si Direk Wenn para sa soap ko po sana sa ABS-CBN,” sabi ng bida ng Love Is Blind (Regal Entertainment) na palabas pa rin hanggang ngayon.
Dumalaw si Kiray sa una at huling gabi ng lamay ni Direk Wenn at gusto pa sana niyang makipaglibing, pero hindi na kinaya dahil tanghali na natapos ang taping niya ng #ParangNormalActivity gayong umaga naman ang libing.
“Sayang, sana may soap ako sa ABS kung hindi nawala si Direk Wenn,” wika ni Kiray.
Samantala, gustong klaruhin ni Kiray ang nasulat na nang-isnab siya ng mga gustong makipag-selfie sa kanya sa sinehan na palabas ang Love Is Blind at naging mayabang na raw siya.
“Nag-tweet na nga po ako na sa lahat ng gustong magpa-picture, go ako. Na hindi po ako mayabang at wala akong dapat ipagyabang, nakakalungkot na may ganito palang isyu,” paliwanag ni Kiray nang makapalitan namin ng mensahe kahapon.
Hinding-hindi raw pupuwedeng magyabang o lumaki ang ulo ni Kiray dahil utang niya sa mga tao kung bakit siya nakilala dahil tinatangkilik ang mga proyekto niya.
Hindi rin niya nakakalimutang pasalamatan ang lahat ng taong tumulong sa kanya sa ABS-CBN na nakadiskubre sa kanya sa pakontes na “Munting Miss U” sa Magandang Tanghali Bayan noong apat na taong gulang siya.
At dahil kumita ang Love Is Blind na produced ng Regal Entertainment ay may follow-up kaagad ito na kasama sa pinirmahan niyang exclusive contract kay Mother Lily Monteverde.
“As of now po, Tita Reggee hindi pa kami nakakapag-start ng shoot kasi wala pa raw po ‘yung ibang cast, hindi pa available,” sabi ni Kiray.
As usual, loveless pa rin ang aktres sa edad na 19.
“Okay na ‘yan, Tita Reggee, work po muna. Love can wait, ha-ha-ha.” (Reggee Bonoan)