VIGAN CITY, Ilocos Sur – Nataranta ang lahat ng kawani ng kapitolyo ng Ilocos Sur matapos makatanggap ng bomb threat message ang isang empleyado ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa cell phone number hotline ng lalawigan kahapon ng tanghali.
Kinumpirma ni Supt. Jugith Del Prado, hepe ng Vigan City Police, ang pagkakatanggap ng isang kawani ng PDRRMC ng text message kahapon ng tanghali na nakasaad : “May inilagay na bomba sa isang parte ng Kapitolyo at pwede itong sumabog ano man oras.”
Matapos matanggap ang mensahe, sinabi ni Del Prado na agad na nagresponde ang mga tauhan ng Vigan City Police Office at Explosive and Ordnance Division (EOD) ng Ilocos Sur Police Provincial Office.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa natatapos ang clearing operation sa kapitolyo, ayon kay Del Prado.
“Nagsasagawa rin kami ng validation at imbestigasyon para ma-identify ang nagpadala ng nasabing bomb threat text messages,” ani Del Prado. (Freddie G. Lazaro)