NAGBABALA ang pinuno ng pinakamalaking Muslim rebel organization sa bansa: Sinisikap ng pandaigdigang grupo ng mga terorista na Islamic State na magtatag ng sangay nito sa rehiyon sa katimugan na matagal nang nababalot ng karahasan—ang Mindanao.

Sinabi ni Moro Islamic Liberation Front (MILF) Chairman Murad Ebrahim na nais samantalahin at makinabang ng IS sa lumulubhang pagkadismaya sa kabiguang matuldukan ang ilang dekada nang rebelyon ng mga Muslim sa Mindanao.

Hindi na umusad at tuluyan nang nabalahaw ang prosesong pangkapayapaan simula nang mabigo noong nakaraang buwan ang Kongreso na maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL), na napagkasunduan ng gobyerno at ng MILF, na magkakaloob sana ng awtonomiya sa malaking bahagi ng rehiyon.

“Now, after the non-passage of the (bill), we are quite concerned that they (the IS) can capitalise on this, because the sentiment of the people in the area is now very strong. The frustrations after the non-passage of the law—they can capitalise on that,” sinabi ni Murad sa mga mamamahayag sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Naglunsad na ng serye ng madugong pag-atake ang armadong grupo na sumusuporta sa pandaigdigang grupo ng mga jihadist, na kumukubkob sa malaking bahagi ng Iraq at Syria, laban sa Philippine Army sa Mindanao kasunod ng kabiguan na tuluyang mapagtibay ang kasunduang pangkapayapaan.

Sinabi ni Murad na hangad ng MILF na magkaroon ng diyalogo sa armadong grupong nakikipag-alyansa sa IS upang himukin silang tigilan na ang anumang pag-atake.

Ilang dekada nang alipin ng karahasan ang Mindanao, partikular na sa kasagsagan ng insurhensiya ng mga Muslim separatist, na kumitil sa nasa 120,000 buhay.

Katoliko ang karamihan ng mga Pilipino.

Nilagdaan ng MILF ang isang kasunduang pangkapayapaan sa gobyerno ni Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2014 upang matuldukan na ang armado nitong pakikipaglaban para sa kasarinlan, na nagsimula noon pang 1970s.

Magtatapos na sa Hunyo ang anim na taong termino ni Aquino, at nangako ang MILF na irerespeto ang napagkasunduang tigil-putukan habang hinihintay ang magiging resulta ng eleksiyon sa Mayo 9.

“We cannot completely abandon armed struggle, but we always believe we have to give supremacy, primacy to the peace process because we believe the solution to the problem is still political,” sabi ni Murad.

“As long as the peace process has a chance to move forward then we don’t want to revert to violence again.”

(Agencé France Presse)