ISINAGAWA ng Bureau of Corrections ang ika-21 nitong pagsalakay sa maximum security compound ng New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City noong nakaraang linggo. Maaaring asahan na matapos ang napakaraming pagsalakay, posibleng nalinis na ang pambansang piitan sa lahat ng kontrabando, gaya ng mga baril at iba pang armas. Ngunit sa ika-21 pagsalakay nito, nadiskubre ng mga tauhan ng kawanihan na nagsagawa ng pagsalakay ang mas maraming baril at isang kilo ng shabu—methamphetamine—ang pinakamalaking nakumpiskang ilegal na droga sa serye ng pagsalakay na nagsimula noon pang Nobyembre ng nakaraang taon.
Sa 21 pagsalakay sa mga dormitoryong inookupahan ng mga bilanggo, napakaraming television set, cell phone, at iba’t ibang appliances ang nasamsam mula sa mga preso, bukod pa sa mga baril. Mistula bang ang mga selda sa pambansang piitan ay ginawang mga kumportableng pamamahay. Mayroon pa ngang swimmng pool sa isa sa mga gusali ng bilangguan.
Naghain noong nakaraang buwan ng mga kasong administratibo laban sa apat na prison guard dahil sa pakikipagkutsabahan umano sa mga bilanggo upang makapagpuslit ang mga ito ng mga kontrabando sa piitan. Kung ikokonsidera ang sangkaterbang kontrabando na natagpuan sa bilangguan, maaaring ang konklusiyon ay umabot sa mga opisyal na mas matataas sa apat na guwardiya.
Ang correctional system ay isa sa mga haligi ng hudikatura, na ayon kay anti-crime party-list Rep. Samuel Pagdilao, ay kailangang mapaigting. Mapatutunayan sa 21 pagsalakay na nakakumpiska sa sangkatutak na kontrabando sa New Bilibid Prisons kung paanong nanghina na ang haliging ito, sa puntong maaaring ipalagay na kinukupkop at pinoprotektahan na ang pambansang piitan ang mga drug lord, sa halip na parusahan at ituwid sila.
Ang iba pang haligi ng hudikatura—ang komunidad, ang pagpapatupad ng batas, at ang mga korteng maglilitis—ay kailangan ding palakasin, aniya, kung determinado ang bansa na masawata ang malaking problema sa ilegal na droga.
Karamihan sa mga shabu ay ginagawa sa mga tagong laboratoryo sa Central Luzon at West Visayas. Kung noon ay tinutukoy ang Pilipinas bilang transshipment point ng ilegal na droga, ngayon ay kilala na ito bilang pagawaan, nagpapakete, nagbebenta, gumagamit, at nagluluwas ng droga sa ibang mga bansa, ayon kay Pagdilao. Ngunit ang pinakamatindi nating pangamba ay para sa ating mamamayan, partikular na ang kabataan, na nabiktima na ng ilegal na droga.
Ilang panukala na ang inihain upang maresolba ang problema sa ilegal na droga, kabilang ang pagpapalakas at pagsasamoderno ng kakayahan ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Authority, pagtatatag ng mas maraming korte para sa mga kaso ng droga, at pagpapaigting sa Witness Protection Program upang mahikayat ang mas malaking suporta ng komunidad. Iminungkahi ni Congressman Pagdilao ang muling pagbuhay sa parusang kamatayan sa mga dayuhang napatutunayang sangkot sa paggawa ng shabu.
Ang problema sa ilegal na droga, aniya, ay isa nang matinding suliranin ng bansa, pumapangalaw na sa problema ng kahirapan. Mistulang hindi nito natatanggap ang atensiyong karapat-dapat dito. Dapat na maging malaking bahagi ito ng mga plataporma de gobyerno ng mga naghahangad ng ating suporta sa eleksiyon.