Magpapatupad ng oil price hike ang mga kumpanya ng langis sa bansa, sa pangunguna na Pilipinas Shell, ngayong Martes ng umaga.

Ayon sa Shell, epektibo dakong 6:00 ng umaga ng Marso 8 ay magdadagdag ito ng 80 sentimos sa kada litro ng gasolina, 70 sentimos sa kerosene, at 65 sentimos naman sa diesel nito.

Hindi naman nagpahuli ang Phoenix Petroleum Philippines at nagtaas din ng 80 sentimos sa gasolina at 65 sentimos sa diesel.

Asahan na ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa kaparehong dagdag-presyo sa petrolyo kahit hindi pa naglalabas ng abiso ang mga ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang bagong taas-presyo sa petrolyo ay bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.

Base sa unang taya ng energy sources, aabot sa 50-75 sentimos ang madadagdag sa presyo ng petrolyo ngayong linggo.

Marso 1 nang nagtaas ang oil companies ng 20 sentimos sa presyo ng gasoline, kasabay ng 15 sentimos na tapyas sa kerosene at 10 sentimos naman sa diesel. (Bella Gamotea)