Matapos maiulat kahapon ng umaga na nawawala ang pinatalsik na ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca at kanyang pamilya, kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) na umalis patungong Vietnam ang mga ito nitong Linggo ng gabi.
Dahil wala pang inilalabas na hold departure order (HDO) laban kay Lowell Menorca, sinabi ni Nicky Reyes, tagapagsalita ng BI, na pinayagan ng kawanihan na magtungo ito, kasama ang pamilya, sa Ho Chi Minh City dakong 10:45 ng gabi nitong Linggo, sakay ng Cebu Pacific flight 751.
Lumutang din ang mga ulat na magtutungo ang pamilya ni Menorca sa Canada.
Bagamat may inilabas nang arrest warrant laban sa dating INC official, sinabi ni Reyes na malayang makaaalis si Menorca sa bansa dahil sa kawalan ng HDO.
Aniya, hindi rin naipagbigay-alam sa BI na mayroon nang inilabas na arrest warrant laban kay Menorca, na nahaharap sa patung-patong na kaso ng libelo, adultery at estafa.
Nagpaskil pa umano ang dating INC official sa kanyang Facebook account ng larawan ng kanyang pamilya habang sila ay nasa sasakyan na nakaparada sa tapat ng safehouse. Lantad sa naturang larawan ang buong pamilya Menorca subalit may markang “X” ang mukha ng dalawang taong gulang na anak nito.
May photo caption din ito na “March 7, 2016 say goodbye!!!” mula sa umano’y nagpakilalang “Mandirigma.”
(LEONARD POSTRADO at JUN FABON)