LINGAYEN -- Pangasinan – Mag-iinit ang kabuuan ng Narciso Ramos Sports and Civic Center sa pagsambulat ng kompetisyon sa 18 sports sa inaabangan na National Championship ng 2016 Philippine National Games.
Tanging ang judo at billiards lamang ang hindi magsasagawa ng eliminasyon ngayon habang nakataya ang mga gintong medalya sa isang araw na kompetisyon sa Dancesports sa napaka-elegante at napakagandang Sison Auditorium.
Lubhang krusyal para sa mga pambansang atleta ang kampanya sa PNG dahil nakasalalay dito ang kanilang katayuan sa national team, gayundin sa posibilidad na makasama sa international competition kabilang ang 2017 SEA Games sa Malaysia.
Ginaganap na rin ang gold medal round sa random at standard chess sa Lingayen Library and Training Center.
Kabuuang 14 na gintong medalya ang paglalabanan sa unang araw ng athletics kung saan una ang girls at women’s 10,000m run, men’s shot put, women’s high jump, women’s long jump at girls discus throw na isasagawa sa umaga.
Isasagawa naman sa ganap na 2:00 sa hapon ang finals ng boys discus throw, 100m hurdles sa girls at women,110m hurdles sa boys at men’s hammer throw, women’s shot put, women at girls 400m at boy’s at men’s 400m dash, boys at men’s 5,000m run, at 3,000m steeplechase sa men.
Ang swimming na gaganapin sa kalapit na San Carlos City ay may nakatayang 16 na gintong medalya.
Bago ang traditional opening ceremony ay nagsidatingan na rin ang mga delegasyon mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao upang makasama ang Team Pangasinan, mga miyembro ng pambansang koponan at ang mga namamahalang opisyal.
Maliban sa 350 kataong Team Pangasinan, pinakamarami sa mga dumayo ang delegasyon ng Cebu City na may 190 kalahok kasunod ang Davao City na may 100 at ang General Santos City na may 78 atleta.
Isang parada ang isasagawa bago ang makulay na presentasyon mula sa Pangasinan National High School Grade 10 student.
Agad itong susundan ng welcome message ni Pangasinan Governor Amado Espino Jr. pati na nina PSC Chairman Richie Garcia, POC president Jose Cojuangco at ang panauhing pandangal na si Senador Edgardo “Sonny” Angara Jr. na siyang Chairman ng Committee on Games, Amusement and Sports.
Ang Oath of Sportsmanship ay isasagawa ni Ms. Shaina Jihan De Vera habang ang Oath of Coaches ay si ilalarga ni Tito Orlanda na mula sa Team Pangasinan. Si Rommer Garcia ng PATAFA ang mamumuno sa Oath of Officials. (ANGIE OREDO)