MATINDI ang naging pahayag ni Pope Francis laban sa mga tao (donors) na nagbibigay ng “dirty money” bilang kontribusyon sa Simbahang Katoliko. “Hindi gusto ng Simbahan na mag-donate ang sino mang tao ng ‘maruming pera’ na kinita mula sa pang-aapi sa mga manggagawang kakapurit ang sahod.”
Eh, papaano iyong katwiran noon ni Cardinal Sin na tatanggapin daw niya (o ng simbahan) maging ang bigay na pera mula sa demonyo? Paki liwanag nga ito mga obispo ng CBCP.
Sundot ni Lolo Kiko: “May ilang donor ang nagpupunta sa simbahan para magkaloob ng tubo (kita) mula sa dugo ng mga manggagawa na kanilang pinagsamantalahan, minaltrato, inalipin sa pamamagitan ng masamang pasahod.” Masakit na katotohanan ang sinambit ng Santo Papa tungkol sa umiiral ngayong materyalismo. Naisip ko tuloy kung ang mga bilyonaryo na kasama sa listahan ng Forbes Billionaires Club 2016, ay kabilang sa tinutukoy ni Pope Francis.
Dugtong pa ng Papa: “I will say to them. Please take your money away, burn it. The people of God do not need dirty money, they need hearts that are open to God’s mercy.” Nagkakaisa ang mga kaibigan ko sa kapihan na marahil ay patama rin ito sa mga pulitikong Pilipino na nagsiyaman dahil sa bilyun-bilyon pisong PDAF at DAP.
Talagang umiinit na ang mga isyu sa pulitika. Akalain ba ninyong patulan ni UNA presidential bet VP Jojo Binay si Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo, LP vice mayoralty bet sa Maynila, dahil napurnada ang pagkampanya niya sa isang lugar sa Tondo. Inakusahan kasi si Cong. Atong ng mga supporter ni VP na sinabotahe ang nakatakdang rally nito.
“Walang basehan ang akusasyon at malisyoso,” sabi niya.
Nagalit umano ang mga residente sa isang barangay sa Tondo 2 dahil nataong may pa-bingo noon ang mambabatas kaya walang espasyo para makapagsalita si Binay. Sinabi niya na ang bingo ay matagal nang idaraos doon. “Gawin nila ang nais nilang gawin at gagawin ko naman ang para sa akin at sa partido,” buwelta ni Asilo.
Niliwanag niyang ang hindi pagkakatuloy ng campaign sortie ni Binay sa Tondo ay pagkakamali ng mga lider at supporter niya dahil nagkulang sa koordinasyon sa mga pinuno ng barangay. Hindi raw dapat kulayan ito ng pulitika.
Idiniin niya na hindi niya ugali ang manira o makialam sa ibang tao sapul nang siya’y maging barangay captain, konsehal at kongresista. Aba ano ito, vice president versus vice mayoralty candidate?
Ngayon (Martes), inaasahang magpapasiya ang Supreme Court (SC) kung papayagang makatakbo sa pagkapangulo si Sen. Grace Poe. Nais kasi ng Comelec na madiskuwalipika siya bunsod ng mga isyu sa citizenship at residency. Samantala, kumilos na rin ang Office of the Ombudsman para pag-usigin o kasuhan ang mga kongresista dahil sa PDAF. Sila ay sina ex-Rep. Ruffy Biazon, Marc Douglas IV, Arrel Olano, Arthur Pingoy Jr., Rodolfo Valencia, at Zenaida Ducut.
Tanong ng mga kaibigan ko sa kapihan-- senior-jogger, palabiro-sarkastiko at Tata Berto--- senyales kaya ito na titirahin na ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang mga mambabatas (dati at kasalukuyan) na kaibigan o kaalyado ni PNoy dahil ang solterong Pangulo ay ilang buwan na lang sa puwesto at siya’y isa nang lame duck president?
(BERT DE GUZMAN)