Ni REGGEE BONOAN

Tita AnggeIKINAGULAT ng buong showbiz ang biglaang atake sa puso ng sikat na talent manager at talent coordinator ng ABS-CBN na si Ms. Cornelia Lee na mas kilala bilang si Angge o Tita A.

Kasi naman, hindi pa nga naihahatid sa huling hantungan si Direk Wenn Deramas, nitong nakaraang Linggo ng gabi ay isinugod at kritikal si Tita Angge sa Cardinal Santos Hospital.

“Within 72 hours ay malalaman ang estado ng brain ni Tita Angge, kasi as of now Glasgow coma ang status niya na nasa (scale) 4, kagabi nasa 3, so ngayong umaga nasa 4 na, sana umabot ng 8 para mild coma. Kasi ang normal natin is 16,” kuwento ni Sylvia Sanchez sa amin kahapon habang tinitipa namin ang balitang ito.

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

“So as of now na nag-uusap tayo, hindi masabi ng doktor kung brain damage, basta critical siya kaya kailangan ng dasal talaga.”

Paano ba nangyari ito, dahil ang alam namin ay nasa huling gabi ng lamay ni Direk Wenn si Tita Angge sa Dolphy Theater noong Sabado?

Ito rin ang paniniwala ng lahat, “Akala nga ng lahat nasa Dolphy Theater habang nagmimisa, hindi kasi nagkakakitaan kasi maraming tao, ‘tapos nagulat na lang kami nabalita na nasa Greenhills pala.”

Ano ang ginagawa ni Tita A sa Greenhills?

“Nanood ng sine, London Has Fallen, eh, doon nakaramdam ng chest pain,” sabi sa amin ni Ibyang.

Nakakagulat, kasi magkakasama pa kami ni Ibyang nang gabi ring iyon at naghiwalay lang dahil may dinner siya sa Greenhills. Nagkataong naroon din pala sa vicinity si Tita A kasama ang pamangkin at sekretarya at nanonood nga ng sine.

Nalaman lang namin nang makatanggap kami ng mensahe na na-heart attack nga raw ang talent manager.

“Dumating siya (Tita Angge) dito sa ospital dead-on-arrival,” kuwento ni Ibyang, “’tapos ni-revive siya rito, after 15 minutes, bumalik ‘yung pulso niya, sinabi critical siya kaya sinabi ng doktor dasal talaga.”

Maaksiyon kasi ang pelikulang London Has Fallen, baka naman na-excite masyado si Tita A.

“Hindi naman, sobrang stress at pagod na rin,” sabi ni Ibyang.

Gabi-gabi palang naroroon si Tita Angge sa burol ni Direk Wenn, na inilibing kahapon sa Himlayang Pilipino.

Kaya sa mga kakilala’t kaibigan at kasamahan ni Tita Angge sa loob at labas ng showbiz, mataimtim na panalangin po ang kailangan niya.