Nakapagtala ng record attendance ang kinagigiliwang pampamilyang programa na Laro’t-Saya sa Park PLAY ‘N LEARN sa Burnham Green ng Luneta Park, kahapon ng umaga matapos makiisa ang kabuuang 1,210 katao sa walong aktibidad.

Umabot sa 939 ang sumali sa zumba, lima sa arnis, 75 sa badminton, 74 sa chess, 43 sa football, walo sa karatedo, 49 sa volleyball at 17 senior citizen, sa programa na inoorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) para bigyan ng mapagkakaabalahan at wastong pisikal na aktibidad ang bawat miyembro ng pamilya.

Una nang nagtala ang Luneta LSP ng kabuuang 1,118 kalahok sa panghuling aktibidad nito noong 2014 habang mayroon itong record na nakisali sa regular na araw na 1,112 katao.

Umabot naman sa 519 katao ang nakisaya sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City sa paglahok nito sa badminton (11), chess (44), volleyball (14), Zumba (439) at senior citizen (11).

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Samantala, ilulunsad na rin ang Laro’t-Saya sa Parke General Santos City sa Marso 19 bilang ika-16 na local government unit na magpapatupad ng programa na kabilang sa grassroots sports development ng bansa.

Nauna nang isinagawa ang aktibidad para sa taong 2016 sa Aguinaldo Freedom Park sa Kawit, Cavite gayundin sa Pinaglabanan Shrine sa San Juan, sa Quezon Memorial Circle at sa makasaysayang Luneta Park sa Maynila. - Angie Oredo