SA Marso 25, 2016 ay magsisimula na ang kampanya ng mga lokal na opisyal. Sa Valenzuela, pormalidad na lang ito. Dahil ang mga Gatchalian mula nang sila ay manungkulan ay maagang nakakampanya dahil kaagad silang nagtatrabaho pagkaupung-pagkaupo pa lang nila.

Sa mga Gatchalian, si Sherwin ang unang naging alkalde pagkatapos ng kanyang termino bilang kongresista ng unang distrito ng nasabing lungsod. Siya ngayon ay tumatakbo sa pagkasenador sa ticket ng Grace Poe-Escudero tandem bagamat katatapos pa rin ng kanyang termino bilang kongresista. Ang kasalukuyang alkalde ng Valenzuela ay ang kanyang kapatid na si Nationalist People’s Coalition spokesman Rex Gatchalian.

Si Rex at ang kanyang kapatid na si Sherwin, pagkatapos ng halalan, ay agad sumasabak sa gawaing bayan. Ginagawa nila ang pamahalaang lungsod na animo’y makina na gumigiling sa loob ng 24 oras. Sila ang unang tumutupad sa nais nilang ipasunod. Kaya, napakadali nilang naitanim sa kanilang kapwa lingkod ng bayan ang disiplina. Napakaganda para sa mga taga-Valenzuela ang naging bunga ng kanilang pamamahala sanhi ng pagkakaisa at paggagalangan.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Dahil dito, napakadali para sa mga taga-Valenzuela na mamili muli ng kanilang pagkakatiwalaan para magpatakbo ng kanilang gobyerno sa susunod na tatlong taon. Napakasimple ng isyu. Sino sa mga pinagkatiwalaan na ng mamamayan ang nagpaunlad ng kanilang pamayanan sa napakaikling panahon simula nang ito ay nanungkulan?

Sa pamamahala ni Rex, naitayo ang mga Sama-samang Serbisyo (S3 Centers). Sa pamamagitan ng mga ito, madali na para sa mamamayan ang matamasa ang pangunahing serbisyo mula sa kanilang gobyernong lokal. Naitayo ang mga bagong paaralan. Binuksan na ang Special Education (SPED) Center at Valenzuela City School of Mathematics and Science, People’s Park at bagong fire station. Kaya ang buong Valenzuela sa kanyang napakaunlad na kalagayan ay ang campaign manager nina Rex at Sherwin. Hindi lamang ang mga taga-Valenzuela at mga taong nakinabang sa mga pangunahing serbisyong iginawad ng pamahalaang lungsod kundi ang mga taong nakita ang patuloy na pag-unlad ng Valenzuela ang tahimik na nagkakalat ng pangalan ng mga Gatchalian, mayroon man o walang halalan. (RIC VALMONTE)