KAUGNAY ng ikawalong taong anibersaryo ng Rizal Arts Festival at ng Pambansang Buwan ng Sining, 30 accomplished artist sa iba’t ibang lalawigan, bayan at lungsod sa ating bansa ang binigyan ng parangal at pagkilala nitong Pebrero 29, sa Event Center ng SM Taytay.
Tampok din sa pagbubukas ng art exhibit ang mga likhang sining ng mga miyembro ng Angono Ateliers, ng Rizal Lakeshore Artists Associaton at iba pang pintor sa Metro Manila at mga lalawigan.
Ang pagpaparangal sa 30 pintor ay pinangunahan nina Gng. Andeng Bautista Ynares, First Lady ng Antipolo City at Honorary chairperson ng Rizal Arts Festival; Bb. Maureen Hernandez, Mall manager ng SM Taytay; at Rizal board member Reynaldo San Juan, Jr.
Ang mga pintor na pinagkalooban ng parangal at pagkilala na tumanggap ng trophy at plaque ay sina Nemi Miranda, Jr., Angelito Balagtas, Rodelio “Toti” Cerda, Rafael “Paeng” Pacheco, Ephraim Samson, Al Perez, Rudolf Gonzales, Raul Isidro, Loreto Racuya, Asaudi Ahmad, Romy Carlos, Remy Boquiren, Carlos “Ge” Cadid, Eghai Roxas, Pablo “Adi” Baen Santos, Joe Datuin, Lydia Velasco, Ral Arrogante, Rafael Maniago, Angel Cacnio, Jonahmar Salvosa, Jun Martines, Dr. Toni Raymundo, Tessie Duldulao, Pancho Piano, Jun Impas, Fil Dela Cruz, Fernando Sena, Danny Santiago, Sonny Camarillo, at Danny Pangan.
Sila ay pinagkalooban ng tig-iisang artwork sa binuksang art exhibit na bahagi ng pagdiriwang ng Rizal Arts Festival at ng Pambansang Buwan ng Sining ngayong 2016. Makikita rin sa exhibit ang mga kuhang larawan ni Sonny Camarillo noong EDSA Revolution.
Sa bahagi ng mensahe ni Gng. Andeng Bautista Ynares, sinabi niya na: “Isang malaking karangalan na maging isang Rizalenyo o Rizalenya. It is in this province were our country’s most famous artists hail from. Maraming salamat po for providing a big boost in our local tourism. We are privileged for you to restore Rizalenyos for special distinction na dito po sa Rizal, we are generally regarded as talented people who are selflessly offering ourselves as gifts to the world. Thank you for sharing with us through your art, your heart, your wisdom, your dreams and most especially po our collective vision para sa Rizal and the rest of our country. Mabuhay ang Rizalenyo artists! We salute you for making our province proud.” (CLEMEN BAUTISTA)