CLEVELAND (AP) — Nakamarka sa isipan ni LeBron James ang mensaheng binitiwan sa kanya ni Tim Duncan matapos gapiin ng San Antonio Spurs ang Cleveland Cavaliers noong 2007 NBA Finals.
Kinalma ni Duncan ang kalooban ng batang si James sa pangakong nakatakda niyang manahin ang dominasyon sa liga dahil handa na siyang ipasa ang responsibilidad sa Cavs superstar.
Halos 10 taon na ang nakalipas, wala pa ring kampeonato si James at aktibo pa ring naglalaro si Duncan.
“So he lied to me,” pabirong pahayag ni James.
Ngunit, kung may pampalubag-loob sa kasalukuyang sitwasyon, ito’y nang makaiskor si James ng 28 puntos sa panalo ng Cavs kontra Boston Celtics, 120-103, nitong Sabado ng gabi (Linggo sa Manila) para lagpasan si Duncan sa NBA’s career scoring list.
Naghabol ang Cavs sa 18 puntos na bentahe ng Celtics sa unang quarter para makuha ang panalo at tuldukan ang winning streak ng Boston sa limang laro.
Nag-ambag si Kyrie Irving ng 21 puntos at tumipa si Iman Shumpert ng 12 puntos at career-high 16 rebound para sa Cleveland, umabante ng 2 ½ laro sa Toronto para sa No.1 spot sa Eastern Conference.
Nakatipon ng kabuuang 26,378 puntos si James, 12 puntos na mas marami sa dating record ni Duncan.
KNICKS 102, PISTONS 89
Sa New York, kumana ng double-double si Carmelo Anthony sa 24 na puntos at 10 rebound para gabayan ang New York Knicks sa panalo kontra Detroit Pistons kahit wala ang star center na si Kristaps Porzingis.
Kumubra rin si Robin Lopez ng 21 puntos at siyam na rebound para putulin ang three-game losing skid ng Knicks.
Hindi nakalaro si Porzingis, ang second-leading scorer ng Knicks, bunsod ng injury sa kaliwang hita.
Nanguna si Andre Drummond sa Pistons na may 21 puntos at 16 rebound.
WOLVES 132, NETS 118
Sa Minneapolis, hataw si Karl-Anthony Towns sa nakubrang 28 puntos, pitong assist at anim na rebound, sa impresibong opensa ng Minnesota Timberwolves na tumipa ng franchise-record 68.4 percent para gapiin ang Brooklyn Nets.
Ratsada rin si Andrew Wiggins na may 26 na puntos at anim na assist, habang tumipa sina Zach LaVine ng 21 puntos at Ricky Rubio na may 16 puntos, 10 assist at pitong rebound.
Nailista rin ng Timberwolves ang season-high 36 assist para makabawi sa kabiguang natamo sa Milwaukee nitong Biyernes ng gabi.
Nanguna si Markel Brown sa Nets na may 23 puntos, habang humugot si Thomas Robinson ng 18 puntos at 17 rebound.
PACERS 100, WIZARDS 99
Sa Washington, naisalpak ni Paul George ang 38 puntos, kabilang ang dalawang free throw sa huling tatlong segundo para maisalba ang Indiana Pacers kontra sa Wizards.
Sumablay ang game-winner ni John Wall sa buzzer.
Nanguna si Wall sa Wizards sa 25 puntos at 12 assist para manatili sa ika-10 puwesto sa Eastern Conference playoff.