Naisalba ng National University ang magilas na atake ng Adamson University sa krusyal na sandali para maitakas ang 25-23, 25-23, 25-27, 25-22 panalo, at putulin ang two-game slide sa 78th UAAP men’s volleyball tournament kahapon, sa The Arena sa San Juan.
“Maganda ang gising ng team ko, lahat ng serve namin halos 90% pumasok kaya lumaki ‘yung chance namin na manalo,” sambit ni NU coach Dante Alinsunurin.
Napantayan ng Bulldogs ang Far Eastern University Tamaraws sa standings tangan ang parehong 5-3 karta.
Umiskor ng double digit ang limang Bulldogs, sa pangungunguna ni Madzlan Gampong na kumana ng 19 puntos, kabilang ang 17 kill, habang umiskor ng tig-14 sina James Natividad at Bryan Bagunas at tumipa ng 13 puntos si Kim Malabunga at nag-ambag si Francis Saura ng 11 puntos, tampok ang huling atake na kumumpleto sa panalo ng NU sa loob ng isang oras at 51 minuto.
Kahanga-hanga rin ang diskarte ni libero Ricky Marcos sa kanyang perpektong 27 reception at 14 dig para sa Bulldogs.
“Nagkataon lang talaga na lahat ng serve namin at receive namin tumaas ang porsyento kaya nagbaliktad ang resulta ng game,” pahayag ni Alinsunurin.
Nagawang makabawi ng Falcons mula sa 19-23 paghahabol para mahila ang laro sa ikaapat na set.
Naging dikdikan ang laban sa fourth set kung saan nagkaroon ng ilang ulit na palitan ng bentahe at huling pagtabla sa 16-all. Huling nakadikit ang Falcons sa 21-22, bago humataw ang Bulldogs sa krusyal na sandali.
Nanguna si Jerome Sarmiento sa Adamson sa 17 puntos, habang kumubra sina Bryan Saraza at Dave Pletado ng 14 at 12 puntos para sa Falcons na nanatiling nasa ikalawang puwesto (6-2) sa likod nang nangungunang defending champion Ateneo de Manila (7-1).