Mahigpit ang pagbabantay ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa registered vessel ng North Korea na in-impound sa Subic Bay Freeport.
Ayon kay PCG Spokesman Armand Balilo, tinitiyak nilang off limits at walang sinumang makalalapit sa barko ng North Korea na kanilang pinigil sa Subic Bay Freeport kaugnay ng sanctions na inilabas ng United Nations Security Council laban sa North Korea.
Ang bago at pinaigting na sanctions ng UN ay kaugnay ng programa ng North Korea sa umano’y mga nukleyar na armas nito.
Sinabi ni Balilo na nakipagtulungan naman ang 21 crew member ng MV Jin Teng, isang 6,830-tonne cargo ship ng Pyongyang.
Napag-alaman na isinailalim na rin sa electronic weapon sensor inspection ang nasabing barko, na nanggaling sa Palembang, Indonesia, at may kargang mga palm product nang dumaong sa Subic, Zambales nitong Marso 3.
Inaasahan namang darating sa Subic ang ilang kinatawan ng UN para personal na inspeksiyunin ang nasabing barko.
(BETH CAMIA)