Ni Angie Oredo

LINGAYEN, Pangasinan — Payak, ngunit puno ng pagpupugay sa atletang Pinoy ang tema ng seremonyang inihanda ng lalawigan sa pagbubukas ngayon ng Philippine National Games (PNG) Finals, sa Don Narciso Ramos Sports Complex.

May kabuuang 2,500 opisyal ang magtitipun-tipon para ipamalas ang kahandaan at talento, gayundin ang karapatan na manatili sa National Team sa pangangasiwa ng Philippine Sports Commission (PSC).

Inanyayahan bilang tagapagsalita si Senador Edgardo “Sonny” Angara, chairman ng Senate Committee on Sports Development, gayundin sina PSC chairman Richie Garcia at mga opisyal ng Philippine Olympic Committee (POC).

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Ang mga atleta na binubuo ng mga nagsipagkuwalipika sa ginanap noong 2015 qualifying leg sa Luzon, Visayas at Mindanao at magtatagisan sa 20 sports.

Ang athletics, badminton, boxing at lawn tennis ay isasagawa sa NRSCC; ang archery sa Pangasinan National High School; billiards sa Magsaysay Elementary School Gym, Lingayen; chess sa Pangasinan Training and Development Center (PTDC); dancesport sa Sison Auditorium; futsal sa Binmaley Catholic School Gym; judo at wrestling sa Bataoil Gym sa Libsong East sa Lingayen; karatedo sa Columban College Gym; lawn tennis sa PNP Tennis Center; muaythai at weightlifting sa Lingayen Town Plaza; pencat silat sa Pangapisan Elementary Schoool Gym; sepak takraw sa Baay Elementary School Gym; swimming sa San Carlos City swimming pool, at ang taekwondo sa  Lingayen Central School Gym.

Bilang host province, may insentibo ang Pangasinan na magsali ng 350 homegrown athletes sa lahat ng event na nakataya sa torneo.