PANSAMANTALANG mananatili sa Pilipinas ang isang barko ng North Korea kaugnay ng pagpapatupad ng bagong sanctions ng United Nations bilang tugon sa huling nuclear at ballistic missile tests ng Pyongyang.
Hindi pahihintulutang umalis sa Subic sa Zambales ang 6,830-toneladang cargo ship na MV Jin Teng, na tatlong araw na itong nakadaong. Ipade-deport din ng gobyerno ng Pilipinas ang mga tripulante ng barko, ayon sa tagapagsalita ng Malacañang na si Manolo Quezon.
Ito ang unang beses na ipinatupad ang pinatinding sanctions, ang pinakamatindi sa kasaysayan, matapos ibaba ng United Nations Security Council nitong Marso 2.
“The world is concerned over North Korea’s nuclear weapons programme and as a member of the UN, the Philippines has to do its part to enforce the sanctions,” sabi ni Quezon.
Magtutungo sa Pilipinas, partikular na sa Subic, ang isang grupo mula sa United Nations upang personal na inspeksiyunin ang barko, ayon kay Department of Foreign Affairs Spokesman Charles Jose.
Dalawang beses na ininspeksiyon ng Philippine Coast Guard ang MV Jin Teng, na may kargang palm kernels, isang mahalagang sangkap sa produktong pagkain.
Sinabi ni Coast Guard Spokesman Commander Armand Balilo na walang pampasabog, ilegal na droga, o anumang ipinagbabawal o ilegal na kargamento sa MV Jin Teng, at “very cooperative” ang 21 tripulante nito.
Kaugnay nito, binatikos naman ng state media ng North Korea ang panibagong sanctions na ipinatutupad laban sa Pyongyang, at tinawag na “disgrace” ang resolusyon ng UN.
“It is a disgrace to the world community to allow such high-handed practice of the US and other big powers possessed of many satellites and nuclear warheads,” saad sa pahayag ng KCNA news agency ng North Korea.
“We will resolutely use all means and methods to take powerful, merciless and physical counteractions against the hostile forces’ anti-DPRK moves.”
Matapos ibaba ng United Nations ang resolusyon nito, nagpakawala ang Pyongyang ng anim na short-range missile sa karagatan nitong Huwebes, kasabay ng pag-uutos ni North Korean leader Kim Jong-Un na ihanda ang nukleyar na armas ng bansa para magamit anumang oras.
Binalewala naman ng United States ang nasabing banta ng North Korea.
“We have not seen North Korea test or demonstrate the ability to miniaturise a nuclear weapon and put it on an ICBM (intercontinental ballistic missile),” sinabi ng isang opisyal ng US Defense Department sa Agencé France Presse, ngunit iginiit na “our forces are ready to counter-eliminate strikes if necessary”. - Agencé France Presse