SA gitna ng lantarang paghihirap at kagutuman ng 100 milyong Pilipino, may 11 mamamayan ang Pilipinas, karamihan ay Fil-Chinese (Tsinoy), ang may angking bilyun-bilyong dolyar at ari-arian na bunga umano ng kanilang pagsisikap at kasipagan.
Samantalang ang kapitbahay kong sina Sebyo at Petra sa Bulacan ay araw-araw na nagdidildil ng asin at kanin bunsod ng kawalang-pagkakataon sa buhay. Habang ang mga richest Filipino na kasama sa listahan ng Forbes World Billionaires List ay nagmumuni-muni sa santambak na salapi at ari-arian at busog na busog sa pagkain sa mga mamahaling hotel at restaurant.
Batay sa ulat, sila ay sina: Henry Sy, 91 anyos ($13.3 bilyon); John Gokongwei ($5.1-B); Lucio Tan ($4.4-B); George Ty ($3.2-B); David Consunji ($3.2-B); Tony Tan $3.2-B); Andrew Tan ($3.1-B); Enrique Razon ($2.5-B); Lucio at Susan Co ( $1.63-B); Robert Cuyuito ($1,59-B); at Manuel Villar ($1.33-B).
Tinanong ako ng mga kaibigan ko sa kapihan: “Kelan kaya tayo magkakaroon ng gayong karaming pera?” Sagot ng senior-jogger: “’Pag puti na ang uwak o ‘pag itim na ang tagak.” Sabad naman ni Tata Berto: “Hindi naman siguro ganoon. Ang mahalaga ay makaraos tayo sa pagkain araw-araw, may peace of mind kahit walang bilyun-bilyon o milyun-milyong dolyar o piso.”
“Tama,” sabi ko. “Mas mahalaga ang pagkakaroon ng mabuting kalusugan kesa sandamukal na salapi o ari-arian. Maraming mayayaman ang hindi masaya dahil may sakit, naka-wheel chair, na-stroke at hindi makakain ng masasarap na pagkain dahil walang gana o panlasa.”
“Papaano,” dagdag ko, “magkikita uli tayo bukas para maglakad at mag-jogging. Kung si Ariel Ureta ay nagsabi noong martial law ng: ‘Para sa ikauunlad ng bayan, magbisikleta ang kailangan’ ang mensahe ko naman ay: ‘Para sa ikahahaba ng buhay, mag-exercise araw-araw.’”
Tumango ang kaibigan kong palabiro pero sarkastiko.
* * *
Iminungkahi ni Liberal Party (LP) vice presidential bet Leni Robredo na dapat humirang ang susunod na pangulo ng bansa ng mas maraming babae sa gabinete at iba pang mahahalagang posisyon sa gobyerno. Sang-ayon dito ang ex-GF ko dahil naniniwala siyang hindi masyadong corrupt ang kababaihang opisyal kumpara sa kalalakihan. Biniro ko siyang ito ay isang “gender discrimination” vs kalalakihan. Namulagat siya at sinabing “’Di ba talagang mas corrupt ang lalaki?”
(BERT DE GUZMAN)