brandy copy

US soccer legend, ido-donate ang utak sa ngalan ng pananaliksik.

BOSTON (AP) – Para sa isang atleta, handa siyang magsakripisyo ng panahon at itaya ang sariling kaligayahan para sa minimithing tagumpay.

Ngunit, para kay Brandi Chastain, itinuturing na alamat sa larangan ng soccer, higit pa sa pansariling kapakanan ang kaya niyang ibigay sa ngalan ng agham at pananaliksik.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ipinahayag ng 47-anyos na si Chastain nitong Huwebes (Biyernes sa Manila), sumikat nang maiskor via penalty kick ang goal na nagbigay ng titulo sa United States noong 1999 Women’s World Cup, na ido-donate niya ang kanyang utak kpag siya ay namatay na sa Massachusetts-based Concussion Legacy Foundation.

Sa oras ng kanyang kamatayan, ilalagak ang kanyang utak sa VA-BU-CLF Brain Bank, proyektong pinangangasiwaan ng Department of Veterans Affairs at Boston University School of Medicine.

“It is really about: How I can help impact soccer beyond scoring a goal in 1999 in the World Cup final. Can I do something more to leave soccer in a better place than it was when I began this wonderful journey with this game?”

pahayag ni Chastain.

Puspusan ang paga-aral ng mga mananaliksik at mangagamot sa utak at spinal cord tissue ng isang patay sa layuning malaman ang sintomas at kung paano gagamutin ang chronic traumatic encephalopathy (CTE), na kadalasang nagiging karamdaman ng mga atleta sa contact sports tulad ng soccer, football at boxing.

Kamakailan, ipinahayag ng grupo na nakilatis nila ang ilang sintomas ng CTE sa utak ni dating Oakland Raiders quarterback at NFL MVP Ken Stabler. Ngunit, sa 307 utak na kanilang sinusuri, pito lamang dito ang nagmula sa babae at pawang kinakitaan ng negatibong resulta.

“We currently know so little about how gender influences outcome after trauma,” sambit ni Dr. Ann McKee, director ng brain bank program. “Her pledge marks an important step to expand our knowledge in this critical area.”

Sinabi ni Chastain na hindi siya sigurado kung nagtamo siya ng ‘concussions’ sa panahon ng kanyang paglalaro, ngunit, inamin niyang nakaranas siya ng matitinding pagkauntog bilang aktibong soccer player ng US.

“You just shook it off back then,” pahayag ni Chastain.

Naglaro si Chastain sa U.S. national team mula 1988 hanggang 2004. Bahagi siya ng koponan na nagkampeon sa kauna-unahang Women’s World Cup noong 1991, gayundin noong 1999 kung saan nakatatak sa kasaysayan ang kanyang imahe nang punitin niya ang kanyang jersey sa tindi ng kasiyahan matapos maisalpak ang penalty kick na nagbigay ng kampeonato sa US laban sa China sa pamosong Rose Bowl.

Sa kasalukuyan, isa na siyang coach ng youth team at nagaalaga ng kanyang pamilya sa San Francisco Bay Area.

Naniniwala siya na maiiwasan ang pagkakaroon ng injury sa utak ng mga atleta kung palalakasin ang programa na siyang isinasakaturapan ngayon ng Concussion Legacy Foundation’s Safer Soccer Initiative.

“It’s been a journey about education for me.I’ve been involved in sports for a long time, only up until recently, have people been talking about concussions, and then concussions specifically related to soccer. It’s been mostly a football problem or a football issue. But it’s not,” aniya.

Batay sa datos ng American Journal of Sports Medicine noong 2012, ang football ang nangungunang sports na may mataas na kaso ng ‘concussions’ sa mga kabataang atleta. Pangalawa ang girls’ soccer kasunod ang boys’ ice hockey at lacrosse.

Nagsimula ang pananaliksik ng Concussion Legacy Foundation matapos matukoy ang unang kaso ng CTE sa soccer player nang masuri ang utak ni Patrick Grange, sumisikat na pro player dahil sa kahusayan sa ‘header’, na namatay sa edad na 29 noong 2012 .

Umaasa si Chastain na mas marami pang babaeng atleta ang susunod sa kanyang yapak upang mas mapatibay ang pag-aaral sa naturang karamdaman. Sa kasalukuyan, nagpahayag na rin ng interes sina dating national soccer player Cindy Parlow Cone at multi-titled swimmer Jenny Thompson na i-donate ang kanilang utak sa brain bank.