Dahil kasagsagan ng kampanya para sa eleksiyon sa Mayo, batid ni Pangulong Aquino na paborito siya ngayong batikusin ng mga kandidato ng oposisyon, maging mabango lang ang mga ito para sa mga botante.
Simula nang iendorso niya si Mar Roxas bilang papalit sa kanya, sinabi ng Pangulo na inasahan na niyang dadami ang kanyang mga kaaway, na gagamitin ang lahat ng pagkakataon upang insultuhin at tuligsain ang kanyang administrasyon.
“Alam naman po natin kung gaano kadumi ang pulitika sa bansang ito,” sinabi ng Pangulo nang mangampanya ang Liberal Party sa Mandaue City, Cebu nitong Huwebes.
“Palagay ko, hindi ako tatantanan ng kung anu-anong mga akusasyon at kabulastugan. Ang importante lang, mailagay ang mga sarili nila sa pahayagan,” dagdag ng Presidente.
Inamin din ni Pangulong Aquino na pinayuhan siya noon na huwag na lang mag-endorso ng kandidato sa pagkapangulo upang maiwasang ulanin siya ng batikos.
“Puwede ko namang inisip na ‘Sige, puwedeng dito na lang ako sa tabi, tutal marami na namang nagpapapansin na diyan.’ Tahimik ang buhay ko. Mapapakinabangan naman ng mga kapatid ko, mga pamangkin ko, ang konting katahimikan sa amin pong buhay.
“Pero palagay ko po, ‘pag ginawa ko ‘yun, ‘tila nagkulang ako sa inyo. Itinuring na rin naman po ninyo akong ‘Ama ng Bayan’, tapos dito, sasabihin ko sa inyong bahala na kayo. O, nagawa ko na ang parte ko. O, bahala na si Batman sa inyo. Hindi ho yata ako pinalaki ng ganoon,” sabi ng Pangulo.
“May responsibilidad ako sa inyong ibahagi ang pagsusuri sa lahat ng mga naghahangad na tayo’y dalhin sa mas magandang lugar,” dagdag pa ng Presidente, sinabing para sa kanya ay si Roxas ang pinakakuwalipikado upang maging susunod na pinuno ng bansa. (Genalyn D. Kabiling)