ANG pagkilos para sa global warming ay dapat na simulan sa malalaki at maliliit na hakbangin na kinabibilangan ng pagbabawas sa mga subsidiya hanggang sa pagbibisikleta, ayon kay International Monetary Fund Managing Director Christine Lagarde.
“Removing fossil fuel subsidies would go a long way to cutting consumption,” sagot ni Lagarde nang tanungin sa forum sa Massachusetts Institute of Technology kung paanong matutugunan ang climate change.
Nagtalumpati siya kung paanong maisusulong ang kaunlaran sa harap ng tumatandang populasyon at sinabing malaki ang maitutulong ng “game changers”, kabilang ang kompetisyon sa pagitan ng mga nagkakaloob ng seguro at pagtataas sa edad ng pagreretiro, para solusyunan ang problema.
Nagsalita ilang buwan matapos magwakas ang pinakamainit na taon sa kasaysayan, sinabi ni Lagarde, “If subsidies were removed and carbon prices set properly now and taxed that would go a long way in addressing the climate change issues the world is facing.”
Hinimok din niya ang mga indibiduwal na magkaroon ng sariling kontribusyon sa pamamagitan ng mga simpleng bagay o aktibidad, gaya ng pagbibisikleta sa halip na magmaneho ng sasakyan, na umani ng palakpakan ng mga estudyante, mga guro, at mga lokal na residente.
Noong Disyembre, sumang-ayon ang may 200 bansa sa isang makasaysayang pandaigdigang kasunduan na sa mga susunod na dekada ay magpapabago sa mga ekonomiya sa mundo na pinagagana ng fossil fuel.
Sinabi ni Lagarde na ang IMF, na hindi sapul na nakatuon sa usapin ng climate change, ay nakatutok na ngayon sa paglikha ng mas maraming dokumento sa pananaliksik tungkol sa wastong halaga ng kuryente at kung paano aalisin ang mga subsidiya.
Tinawag ito ni Lagarrde na mga mumunting hakbangin bilang “beginnings of our contributions”. (Reuters)