Wala man sa radar ng Guinness world record, ilalarga ng National Geographic Channel ang ‘Earth Day Run’ sa Abril 17 hindi lamang sa Manila, bagkus kasabay nang patakbong programa sa apat na lungsod sa Singapore, HongKong, Shanghai at Tai Chung.
Ito ang ipinahayag ni race organizer Greg Yan sa isinagawang media launching ng pinakamalaking marathon event sa bansa Huwebes ng gabi sa Passion Restaurant sa Resort World Hotel.
Ayon kay Yan, bawat host city ay awtomatikong maglalaan ng pondo para sa mga programa ng World Wide Fund for Nature.
“This advocate really focused on raising funds for various project of WWF. For the past years, sinusuportahan naming ang mga gawain para sa pangangalaga ng kalikasan,” sambit ni Yan.
Inaasahang aabot sa 20,000 ang lalahok sa karera na tunay namang tinatangkilik ng masang Pinoy sa nakalipas na anim na taon.
“But, this time, iba ang style natin dahil ‘The Earth Day Run’ will be happening simultaneously for the first time in five cities across the region,” pahayag ni Jude Turcuato, kinatawan ng Fox Channel na siyang mangangasiwa ng broadcast program ng karera.
Ang mga kategorya ay 5K, 10K,21K at 42K para sa mga elite marathoner kabilang ang mga foreign athletes na taon-taon na nakikiisa sa programa.
Bukas ang on-site registration hanggang Marso 31 sa ground floor ng SM Aura Premier sa Bonifacio Global City. Para sa on-line registration, bisitahin ang http://www.natgeoearthdayrun.com.