Hindi sukat akalain ng isang family driver na ang dalawang lalaki na kanyang napagtanungan ng direksiyon sa kanyang patutunguhan ay mga carnapper pala, matapos tangayin ng mga ito ang kanyang minamanehong sasakyan sa Caloocan City, nitong Biyernes ng hapon.

Dahil dito, nakaalarma na sa Northern Police District (NPD) ang tinangay na pulang Toyota Innova (wala pang plate number) na nakarehistro kay Eduardo Berano ng Barangay 176, Bagong Silang, ng nasabing lungsod.

Kuwento ng driver na si Wilfredo Orilla, minamaneho niya ang Innova nang huminto ito sa tapat ng gate ng Novaville Subdivision, Gate 1, Susano Road sa Barangay 170 Deparo, Caloocan City, dakong 5:20 ng hapon para magtanong ng direksiyon sa kanyang pupuntahan.

“Tinanong ko po ‘yung dalawang lalaki kung saan ang palabas papuntang San Jose, Bulacan,” sinabi ni Orilla sa imbestigador.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Nagmagandang-loob ang dalawa at sinabing isakay sila para ituro ang daan patungo sa lugar na binanggit ng driver.

At pagsakay ng tatlo sa Innova ay binubog si Orilla ng dalawang suspek bago binusalan at saka ipinagpatuloy ang pagmamaneho, na halos limang oras silang nagpaikut-ikot hanggang sa nakarating sa Magalang Road, Sitio Yanga sa Concepcion, Tarlac.

Matapos ibaba sa nasabing lugar, dito na nakahingi ng tulong sa mga pulis si Orilla at pilit na sinundan ang direksiyon na tinahak ng mga suspek subalit hindi na nila natagpuan ang mga salarin. (Orly L. Barcala)