DUMAGDAG na ang World Bank sa mga nananawagan na pagtuunan ng Pilipinas ng atensiyon ang agrikultura bilang pinakamainam na paraan sa pagharap sa pinakamalaking problema ng bansa sa kahirapan.
Kung magagawa ng Pilipinas na maibaba ang presyo ng bigas mula sa kasalukuyang P35 kada kilo at gawin itong P15, na katumbas ng kasalukuyang presyuhan ng bigas sa Thailand at Vietnam, ang mahihirap, na gumagastos ng 20 porsiyento ng kabuuan nilang kita para sa bigas, ay agad na madadagdagan ang kakayahang gumastos, ayon kay Roger Van den Brink, ng World Bank. Nagsalita si Van den Brink, lead economist ng World Bank Poverty Reduction and Economic Management for East Asia and the Pacific, sa Arangkada Philippines Forum sa Pasay City, kamakailan.
Matagal nang itinatanong kung bakit nagagawa ng mga magsasaka sa Thailand at Vietnam na mag-produce ng bigas sa presyong mababa pa sa kalahati ng ginagastos sa Pilipinas, gayung sa International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna, natutuhan ng mga ito ang mga modernong paraan ng pagsasaka na ginagamit ngayon. Lumikha ang IRRI ng uri ng bigas na malaki ang naaani, gayundin ng mga paraan ng pagtatanim at pag-aani na malawakan nang ginagamit sa dalawang nabanggit na bansa. Taliwas dito, maraming magsasakang Pilipino ang umaasa pa rin sa tradisyunal na paraan ng pagsasaka, at nag-aani ng kakarampot na halos sapat lang sa sarili nilang pangangailangan.
Sinabi noong nakaraang linggo ni dating Senador Francis Pangilinan, na nagsilbing Presidential Assistant for Food Security and Agricultural Modernization, na mahalagang makipagtulungan ang gobyerno sa mga magsasakang Pinoy upang makumbinse ang mga ito na magtanim ng bagong high-yielding rice variety at gumamit ng mga modernong paraan ng produksiyon na kinakailangan sa mga uri ng bigas na ito—hawakan ang kanilang mga kamay at masinsinan silang kinakausap habang unti-unti nilang tinatalikuran ang tradisyunal na paraan ng pagtatanim na nakasanayan na nila.
Sa kanyang pagtatalumpati sa forum ng World Bank, binigyang-diin din ni Van den Brink ang kahalagahan na palawakin ang pagkakaloob ng tulong sa mga magsasaka—na sasabayan ng mas maraming pamumuhunan sa pananaliksik at pagpapabuti, mas maraming imprastrukturang pangsakahan gaya ng mga kalsada at irigasyon, at pagtiyak sa karapatan ng mga magsasaka sa kani-kanilang ari-arian, bukod pa sa pagpapabuti sa kanilang kalusugan at edukasyon.
Nanawagan ang opisyal ng World Bank sa gobyerno ng Pilipinas na pag-aralan ang mga umiiral na polisiya nito sa agrikultura at paggawa na, aniya, ay nabigong mapabuti. Sinabi niyang dapat na tutukan ng susunod na administrasyon ang mga pangangailangan hindi lamang ng maliliit na magsasaka kundi maging ng maliliit na negosyante.
Wala nang apat na buwan bago matapos ang kasalukuyang administrasyon. Ngunit hindi dapat na mapigilan nito ang pagkakaloob ng ayuda sa mga magsasaka, lalo na ngayong nalalapit na ang susunod na panahon ng pagtatanim, na magsisimula sa pag-uulan sa Mayo.